Walang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno at paaralan sa maraming lugar dahil sa Bagyong Maymay

0
56

MAYNILA – Sinuspinde ng Malacañang ang trabaho sa mga tanggapan ng pamahalaan at klase sa lahat ng antas sa National Capital Region at 22 lalawigan ngayong Huwebes, Agosto 6, dahil sa patuloy na epekto ng Tropical Storm Maymay, pinalakas ng Habagat, at batay sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Nakasaad sa Memorandum Circular No. 122, na nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph Recto Jr. sa kapahintulutan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na epektibo agad ang suspensyon upang mapangalagaan ang kaligtasan ng publiko habang nagpapatuloy ang masamang panahon. Ayon sa Malacañang, ang hakbang ay isinagawa kasunod ng mga babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) hinggil sa malalakas na pag-ulan at hanging dulot ng bagyo at ng pinalakas na southwest monsoon.

Saklaw ng suspensyon ang National Capital Region (NCR) at ang mga lalawigan ng Ilocos Sur, La Union, Benguet, Pangasinan, Abra, Zambales, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Ilocos Norte, Apayao, Nueva Vizcaya, Tarlac, Nueva Ecija, Bataan, Pampanga, Bulacan, Rizal, Cavite, Batangas, Laguna, at Occidental Mindoro.

Nilinaw ng Malacañang na magpapatuloy ang operasyon ng mga ahensyang nagbibigay ng mahahalagang serbisyo tulad ng pangangalagang pangkalusugan, disaster response, emergency operations, at iba pang kritikal na serbisyo upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagtugon sa pangangailangan ng mamamayan.

Pinahihintulutan din ang mga local chief executive na magpatupad ng localized suspension ng klase at trabaho sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan sa mga lugar na hindi saklaw ng memorandum, alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon. Samantala, ang pagpapatupad ng work suspension sa mga pribadong kumpanya ay nananatiling nakabatay sa pagpapasya ng kani-kanilang mga employer.

Sa pinakahuling weather bulletin ng PAGASA, tumawid na ang Tropical Storm Maymay sa Hilagang Luzon matapos mag-landfall sa Magsingal, Ilocos Sur madaling araw ng Huwebes. Bagama’t inaasahang lalabas na ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR), patuloy pa ring makaaapekto ang bagyo at ang Habagat sa malaking bahagi ng Luzon sa pamamagitan ng malalakas na pag-ulan na maaaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa sa mga bulnerableng lugar.

Patuloy namang hinihikayat ng NDRRMC at PAGASA ang publiko na manatiling mapagmatyag sa mga opisyal na anunsyo, sumunod sa mga babala ng lokal na pamahalaan, at unahin ang kaligtasan habang nagpapatuloy ang epekto ng masamang panahon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.