SSS nag-aalok ng Emergency Loan sa mga apektado ng Bagyong Maymay at Habagat

0
67

QUEZON CITY — Maaaring mag-avail ng umiiral na Emergency Loan Program (ELP) ng Social Security System (SSS) ang mga kwalipikadong miyembro na naapektuhan ng Tropical Storm Maymay at pinalakas na Southwest Monsoon o Habagat upang makatulong sa kanilang agarang gastusin dulot ng kalamidad.

Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Robert Joseph M. de Claro, nananatiling bukas ang ELP para sa mga kwalipikadong miyembro sa buong bansa bilang karagdagang financial assistance para sa mga nakararanas ng biglaang pangangailangang pinansyal.

Sinabi ni de Claro na bahagi ito ng patuloy na hakbang ng SSS na magbigay ng agarang tulong sa mga miyembrong naapektuhan ng hindi inaasahang pangyayari.

Sa ilalim ng enhanced ELP na ipinatutupad simula Mayo 1, 2026, ibinaba ng SSS ang kinakailangang bilang ng monthly contributions mula 36 tungo sa 18, kung saan hindi bababa sa anim na kontribusyon ang dapat na na-post sa loob ng nakalipas na 12 buwan.

Para naman sa self-employed, voluntary, non-working spouse at land-based Overseas Filipino Worker (OFW) members, kinakailangan ang hindi bababa sa anim na monthly contributions sa ilalim ng kanilang kasalukuyang membership type bago ang buwan ng aplikasyon.

Maaaring makahiram ang kwalipikadong miyembro ng hanggang ₱20,000, na may interest rate na 7 porsiyento kada taon para sa initial application. Ang loan ay babayaran sa loob ng 30 buwan, kabilang ang anim na buwang moratorium.

Sa unang anim na buwan mula sa approval ng loan, hindi muna kailangang magbayad ng monthly amortization ang borrower. Magsisimula ang regular na pagbabayad sa ikapitong buwan. Ayon sa SSS, ang interes na naipon sa panahon ng moratorium ay isasama sa amortization at hindi na kikita ng karagdagang interes.

Bukod sa contribution requirement, dapat ding:

  • wala pang 65 taong gulang sa oras ng aplikasyon;
  • may valid Philippine home address na nakatala sa SSS;
  • updated ang contact information sa SSS database;
  • walang past-due SSS loans na sakop ng mga itinakdang limitasyon;
  • walang outstanding restructured loan;
  • hindi disqualified dahil sa fraud laban sa SSS;
  • hindi pa nakatanggap ng final benefit gaya ng retirement o permanent total disability benefit; at
  • may aktibong disbursement account na naka-enroll sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) sa My.SSS.

Nilinaw din ng SSS na ang ELP ay maaaring i-apply online sa pamamagitan ng My.SSS account sa SSS website o SSS mobile application. Ang loan proceeds ay maaaring ilabas sa aktibong MySSS Card, UMID ATM Pay Card, o kwalipikadong bank account na naka-enroll sa DAEM.

Maaari ring mag-apply ang mga kwalipikadong miyembrong naapektuhan ng bagyo para sa SSS Salary Loan, subject sa hiwalay na eligibility requirements.

Ang Southwest Monsoon o Habagat ay bahagi ng normal na seasonal weather pattern ng bansa at maaaring magdulot ng madalas na pag-ulan at thunderstorms, partikular sa western sections ng Pilipinas, ayon sa PAGASA.

Para sa aplikasyon at karagdagang impormasyon, maaaring bisitahin ng mga miyembro ang opisyal na SSS website.

ADVERTISEMENT

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.