Comelec: Mga balota para sa May 2022 Elections, lalabas na

0
641

Malapit nang ilabas ng Commission on Elections (Comelec) ang mga mukha ng balota na gagamitin sa May 9, 2022 National and Local Elections (NLE).

Sinabi ni Elaiza David, direktor ng Comelec – Education and Information Department (EID) na tatlong uri ng balota na iba’t ibang laki ang gagamitin sa botohan sa darating na Mayo.

Ang pinakamahabang balota na may sukat na 30 pulgada ay gagamitin sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ang mga balota para sa mga lugar na hindi BARMM ay may sukat na 26 pulgada habang ang sukat ng mga balota para sa mga overseas voters ay 25 pulgada.

Idinagdag ng opisyal ng poll body na ang harapang bahagi ng balota ay magkakaroon ng pambansa at lokal na mga posisyon para sa parehong BARMM at hindi BARMM na mga botante habang ang party list ay makikita sa likod ng balota.

Samantala, ang mga balota para sa overseas voters ay maglalaman lamang ng mga pangalan para sa mga pambansang posisyon tulad ng presidente, bise presidente, senador, at party-list groups.

Ang mga pangalan ng mga kandidato para sa mga pambansang posisyon ay nasa harapang bahagi ng balota habang ang mga party-list group ay nasa likod.

“For those who are not well known, they were not considered a nuisance. We have grounds for declaring a candidate as nuisance, which means they passed. They are assessed to be qualified and have the bonafide intent to run and the capacity for them to lead was established,” ayon kay DAvid noong siya ay tanungin kung bakit isinali pa ng Comelec ang mga aspiranteng hindi popular.

Noong Enero 11, ang pansamantalang listahan ng mga kandidato ay mayroong 10 kandidato sa pagkapangulo, siyam sa bise presidente, 64 para sa mga senador, at 178 na party-list groups.

Ang mga tatakbo bilang pangulo ay sina: Abella, Ernesto Corpus; De Guzman, Leody; Domagoso, Francisco Moreno; Gonzales, Norberto Borja; Lacson, Panfilo Morena; Mangondato, Faisal Montay; Marcos, Ferdinand Jr. Romualdez; Montemayor, Jose Jr. Cabrera; Pacquiao Emmanuel Dapidran; Robredo, Maria Leonor Gerona.

Para sa Bise Presidente, ang mga aspirante ay sina Atienza, Jose Jr. Livioko; Bello Walden Flores; David, Rizalito Yap; Duterte Sara Zimmerman; Lopez, Emmanuel Sto Domingo; Ong, Willie Tan; Pangilinan, Francis Nepomuceno; Serapio, Carlos Gelacio; Sotto, Vicente III Castelo.

Sa kabilang banda, sinabi ni David na magkakaroon sila ng virtual walkthrough ng National Printing Office (NPO) sa Quezon City, kung saan ipi-print ang mga balota sa Martes ng umaga.

Idinagdag niya na magkakaroon sila ng isa pang anunsyo kung kailan sila magsisimula sa pag-imprenta ng mga opisyal na balota.

“Magkakaroon tayo ng isa pang anunsyo tungkol sa kung kailan magsisimula ang pag-imprenta ngunit ito ay pagkatapos ng walkthrough,” ayon sa opisyal ng Comelec.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo