MANILA | Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act No. 12326 na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sana sa Nobyembre 2, 2026, at naglilipat nito sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028. Itinatakda rin ng bagong batas sa limang taon ang termino ng mga halal na opisyal ng barangay at SK.
Sa ilalim ng RA 12326, ang susunod na BSKE ay gaganapin sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028, o Nobyembre 13, at susundan ng halalan kada limang taon. Mananatili sa kanilang mga posisyon ang kasalukuyang barangay at SK officials hanggang sa mahalal at maging kwalipikado ang kanilang mga kahalili.
Nilimitahan naman ng bagong batas sa dalawang magkasunod na termino sa parehong posisyon ang mga halal na opisyal ng barangay, habang isang termino lamang sa parehong posisyon ang maaaring pagsilbihan ng mga SK official. Dahil sa dalawang taong extension, ituturing na nakumpleto na ng mga incumbent barangay official ang isang termino. Ang mga kasalukuyang nasa kanilang huling termino ay hindi na maaaring tumakbo sa parehong posisyon sa 2028 BSKE.
Sinabi ni Marcos na ang dagdag na panahon sa panunungkulan ay dapat gamitin upang mapahusay ang serbisyo, tapusin ang mga nasimulang programa at higit na matugunan ang pangangailangan ng mga komunidad, pamilya at kabataan.
Inatasan din ng RA 12326 ang pagpapatupad ng tuloy-tuloy na training at capacity-building programs para sa barangay at SK officials, sa pangunguna ng Department of the Interior and Local Government (DILG), katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Commission on Elections (Comelec), state universities and colleges at iba pang kaukulang ahensya.
Kasabay nito, mananatiling saklaw ng mga umiiral at mga bagong administrative, civil at criminal investigation at pananagutan ang mga incumbent official habang umiiral ang transition period.
Ang bagong batas ay susog sa Republic Act No. 12232, na nilagdaan ni Marcos noong Agosto 2025 at unang nagpaliban sa BSKE mula Disyembre 2025 patungo sa Nobyembre 2026. Sa ilalim ng naunang batas, itinakda sa apat na taon ang termino ng barangay at SK officials.
Ang pagpapaliban ngayong 2026 ay dumating ilang araw bago ang nakatakdang paghahain ng certificates of candidacy para sa BSKE, na ayon sa Comelec ay magsisimula sana sa Setyembre 28. Patuloy na naghahanda ang poll body bago maisabatas ang postponement at iniulat na nakagastos na ng humigit-kumulang ₱8 bilyon para sa mga paghahanda sa halalan.
Agad na magkakabisa ang RA 12326 matapos mailathala sa Official Gazette o sa isang pahayagang may malawak na sirkulasyon.

ADVERTISEMENT


DC Alviar
Professor DC Alviar is a tenured associate professor at National University (NU) Manila and a steering committee member of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He has contributed to NU's community extension initiatives that introduced the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities within a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with Master of Development Communication (MDC) and Doctor of Communication (DComm) degrees from the University of the Philippines (UP) Open University in Los Baños and was awarded with a Commission on Higher Education (CHED) SIKAP grant. He previously served as editor-in-chief of The Adamson News and his high school publication Ang Ugat.





