MANILA | Nobyembre 9, 2026 | Inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Lunes, Nobyembre 9, ang Typhoon Cempaka at papangalanang Samuel, ngunit mananatili itong malayo sa kalupaan ng Pilipinas at hindi inaasahang direktang makaaapekto sa bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa pinakahuling abiso nito alas-4:00 ng madaling-araw, namataan ang Cempaka sa layong 1,440 kilometro silangan-hilagang-silangan ng Extreme Northern Luzon, nasa labas pa rin ng PAR.
Taglay ng bagyo ang pinakamalakas na hanging umaabot sa 120 kilometro kada oras malapit sa sentro at bugso na hanggang 150 kilometro kada oras. Kumilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Inaasahang magpapatuloy ang paggalaw nito pahilagang-kanluran bago pumasok sa PAR ngayong umaga. Gayunman, ayon sa pagtataya ng PAGASA, liliko ito pahilagang-silangan pagsapit ng Lunes ng hapon o gabi at posibleng lumabas sa PAR sa pamamagitan ng hilagang-silangang hangganan nito sa Martes ng madaling-araw.
Nilinaw ng ahensiya na mananatili ang bagyo sa Philippine Sea, malayo sa kalupaan, at hindi inaasahang direktang makaaapekto sa lagay ng panahon o kondisyon ng karagatan sa bansa.
Samantala, patuloy na makaaapekto ang Northeast Monsoon o amihan sa Northern at Central Luzon, habang easterlies naman ang umiiral sa nalalabing bahagi ng bansa.
Sa weather forecast ng PAGASA, inaasahan ang maulap na kalangitan na may mga pag-ulan sa Cagayan, Isabela, Quirino, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Aurora at Quezon. Posible ang pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na makararanas ng katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan.
Inaasahan din ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sa ilang bahagi ng Caraga, Bicol Region at Davao Region dahil sa easterlies.
Pinayuhan ng PAGASA ang publiko at mga lokal na disaster risk reduction and management office na patuloy na subaybayan ang mga opisyal na abiso para sa mga posibleng pagbabago sa direksiyon, bilis at lakas ng bagyo.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






