Pinalawig hanggang 2028 ang 14-araw na visa-free entry para sa mga Chinese national

0
79

MANILA | Nobyembre 24, 2026 | Pinalawig ng pamahalaan ng Pilipinas hanggang Enero 15, 2028 ang 14-araw na visa-free entry privilege para sa mga Chinese national na bibisita sa bansa para sa turismo o negosyo, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), magkakabisa ang isang taong extension mula Enero 16, 2027 hanggang Enero 15, 2028. Layunin nitong palakasin ang pagdating ng mga turistang dayuhan at makahikayat ng mas maraming pamumuhunan habang pinananatili ang mga umiiral na hakbang para sa seguridad ng bansa at pagsusuri sa mga pumapasok na biyahero.

Sa ilalim ng patakaran, maaaring manatili sa Pilipinas nang hanggang 14 na araw ang mga kwalipikadong Chinese national nang hindi kumukuha ng visa, basta’t ang kanilang pagbisita ay para lamang sa turismo o negosyo. Hindi maaaring pahabain ang kanilang pananatili sa ilalim ng pribilehiyong ito o i-convert ito sa ibang kategorya ng Philippine visa.

Kabilang sa mga rekisito ang pasaporteng may bisa nang hindi bababa sa anim na buwan lampas sa inaasahang pananatili, kumpirmadong reserbasyon sa hotel o matutuluyan, at return ticket o tiket patungo sa susunod na destinasyon.

Limitado lamang ang visa-free entry sa mga biyaherong papasok sa pamamagitan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Metro Manila at Mactan-Cebu International Airport (MCIA) sa Cebu. Kailangan ding sumunod ang mga biyahero sa eTravel registration requirements at walang anumang derogatory record sa Bureau of Immigration (BI).

Ayon sa DFA, mananatiling saklaw ng pagsusuri at screening ng BI ang lahat ng papasok na biyahero, kabilang ang beripikasyon ng pagkakakilanlan, pagsusuri sa mga watchlist at risk assessment. Kailangan naman ng kaukulang Philippine transit visa ng mga Chinese national na papasok sa bansa habang bumibiyahe patungo sa ikatlong bansa.

Unang ipinatupad ang 14-araw na visa-free entry noong Enero 16, 2026 sa bisa ng Foreign Service Circular No. 2026-005. Orihinal itong itinakda sa loob ng isang taon at susuriin bago matapos ang bisa nito. Naglabas din ang Bureau of Immigration ng Operations Order No. 2026-001 noong Enero 15, 2026 upang magtakda ng mga alituntunin sa pagpapatupad nito.

Samantala, iniulat ng Department of Tourism (DOT) na tumaas nang 70.18 porsiyento taon-sa-taon ang mga turistang nagmula sa China, na nagpapakita ng muling paglakas ng interes ng mga Chinese traveler sa Pilipinas.

Malugod na tinanggap ng DOT ang pagpapalawig ng patakaran, na inaasahang makatutulong sa turismo, mga negosyo, manggagawa at mga komunidad na umaasa sa industriya ng paglalakbay.

Binigyang-diin ng DFA na ipagpapatuloy nito ang pakikipag-ugnayan sa BI at iba pang ahensiya ng pamahalaan upang matiyak na maayos na maipatutupad ang patakaran kasabay ng pagpapanatili ng seguridad ng bansa.

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar is a tenured associate professor at National University (NU) Manila and a steering committee member of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He has contributed to NU's community extension initiatives that introduced the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities within a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with Master of Development Communication (MDC) and Doctor of Communication (DComm) degrees from the University of the Philippines (UP) Open University in Los Baños and was awarded with a Commission on Higher Education (CHED) SIKAP grant. He previously served as editor-in-chief of The Adamson News and his high school publication Ang Ugat.

LEAVE A REPLY