Tayo ng maging Coronavirus farmers!

0
871
KABUTENG-SAGING
KABUTENG SAGING! Biyaya ng kalikasan. Kusang sumisibol lang at matatagpuan sa paligid ng ating bukid sa ganitong panahong maulan. Masarap sa sahog sa amin PANSIT KALABUKO!

Lubhang apektado ng pandemya ang pangkabuhayan ng mundo. Tuloy tuloy na bumubulusok pababa ang kita.  Marami ang humantong na sa pagsasara, dambuhala man o maliit na kumpanya. 

Sa panahong ito, mahalaga ang sustainability at resiliency para makatawid tayo sa isang digmaan na hindi inaasahan ng sangkatauhan. Tayo ngayon ay nasa laban ng kalusugan. Ang isa sa mabisang armas natin ay malusog na pangangatawan upang hindi magapi ng kaaway na hindi nakikita, ang Covid-19. 

Ang bawat tao ngayon ay dapat magsikap, magbungkal ng lupa at maging coronavirus farmer kahit sa simpleng kaparaanan lamang. Malaki ang maitutulong nito upang tayo ay makapagsimula ng self sustainability. Mainam na paraan din ito upang tayo ay makatulong sa food sustainability ng buong mundo.

Hindi usapin ang laki o liit ng lupang tataniman ng ating mga gulay. Maaari tayong magtanim sa mga paso, lata, sako, plastic bottle o anumang container na itatapon na.

Ang bawat buto o binhi na nakukuha sa mga gulay na iluluto natin gaya ng kalabasa, sili, kamatis, papaya at iba pa ay pwede nating itanim. Ganun din ang  pinagputulan ng talbos ng kangkong at kamote. Sinupin natin ang mga ito at ating itanim.

Simple lamang ang container gardening at kayang kayang gawin maging ng  mga anak natin. 

Ang punong namumunga ay nagsisilbing bangko o soil banking kung tawagin na kung saan sa panahon ng kagipitan ay may maasahan na makakapag agdong sa ating mga pangangailan. 

Kaya ugaliin nating magtanim ng mga gulay at mga punong namumunga. Ang mga ito ay magbibigay  sa atin ng pagkain at ng pagkakakitaan.

Sa mga susunod na artikulo ay ibabahagi ko sa inyo ang ilang epektibo at matipid na paraan sa container gardening. Kaya ihanda na ang anumang container na mayroon ka sa iyong bodega o likuran. Lahat ‘yan ay ating tatamnan.

Author profile
Joel Frago

Si Joel Frago ay isang rehistradong Nurse at Midwife. Siya ay isa ring Pastor.  Naging magsasaka siya mula noong 2004 at nagkamit ng mga pagkilala at prangal sa larangan ng farming.  Pinarangalan siya bilang isa sa Ten Outstanding Pableño noong 2018.  Siya ang nataguriang Kusinero de Bukid ng Forest Wood Garden, isang agritourism destination na dinrayo ng mga turista mula sa loob at labas ng bansa.