4 na MWP, huli sa Laguna

0
472

Sta. Cruz, Laguna.  Arestado ang apat na Most Wanted Persons MWP) sa magkakahiwalay na manhunt operations ng Laguna PNP, ayon sa ulat ni  Laguna Police Acting Provincial Director PCOL Rogarth B. Campo kay Calabarzon Regional Director PBGEN Eliseo DC Cruz kahapon.

Inaresto si Joselito Villanueva, 45 anyos na call center agent at residente ng Barangay Bucal, Calamba City, Laguna sa isang manhunt operations na isinagawa ng mga tauhan ng Calamba City Police Station sa pamumuno ni PLTCOL Arnel L. Pagulayan. Ang nabanggit na suspek ay dinakip ay sa bisa ng warrant of arrest na isinampa laban sa kanya noong Agosto 21, 2003 sa kasong paglabag sa RA 6425 o The Dangerous Drugs Act of 1972 na inisyu ng Regional Trial Court Br.92, Calamba City, Laguna. 

Nadakip din ng mga elemento ng San Pablo Police Station sa pamumuno ni Chief of Police PLTCOL Garry C. Alegre si Maureen Casalme, 33 anyos at residente ng Barangay VI-E, sa nabanggit na lungsod sa bisa ng warrant of arrest na isinampa laban sa kanya noong Enero 4, 2022 sa kasong Estafa na inisyu ng Municipal Trial Court, Branch 1, San Pablo City, Laguna.

Gayundin, sa San Pedro City Police Station sa pamumuno naman ni Officer-in-Charge PLTCOL Socrates S. Jaca, hinuli ang ika-6 na MWP sa Laguna na si Ryan Casacop Cruz alyas Budoy, isang piyon na residente ng Southville 3A, Bgy. San Antonio sa nabanggit na lungsod. Ang suspek ay nakahabla sa kasong paglabag sa Special Protection of Children against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act (Anti-Child Abuse Law) (5B) of RA 7610.

Sa Sta Cruz Municipal Police Station sa pamumuno ni Officer-in-Charge PLTCOL Paterno L. Domondon, Jr., inaresto si Ronnie Fuentes,  58 anyos na draftsman at residente ng Brgy. Sto. Angel Sur, Santa Cruz, Laguna sa kasong Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004 (Sec. 5 (A) of R.A. 9262) na ibinaba ng Regional Trial Court, Branch 26, Santa Cruz, Laguna.

Ang mga suspek ay nasa nakapiit sa mga nakasasakop na operating unit habang nakatakdang abisuhan ang mga korte hinggil sa pagkakadakip sa kanila.

“Hindi kami titigil hangga’t hindi napapanagot sa batas ang mga nagkasala gayun din ang mga kasalukuyang nagtatago pa dito sa lalawigan ng Laguna. Tuloy-tuloy ang aming pinalakas na kampanya laban sa mga wanted persons upang maihatid namin ang hustisyang nararapat para sa mga naging biktima nila,” ayon sa mensahe ni Campo.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.