Panahon ng kampanya: Ipapanalo ba ang katarungan o ang kandidatura?

0
768

Katarungan. Kung Spanish, ito’y justicia, at kung English nama’y justice. Hindi sapat ang isang kolum para lubusang maipaliwanag ang katarungan na may salitang ugat na “tarong” sa Cebuano. Kung babalikan ang Meron at Miron sa mga Miyerkules na nailathala online ang kolum ko, parating laman nito ang katarungan – integrasyon man o tuwiran ang pagkakabanggit – ngunit malayo pa rin sa buong paliwanag. Kapag sinabing buong paliwanag, nakatitiyak ang sinumang Pilipino na sa pasikot-sikot ng salitang nagmula sa ika-20 siglong pamPilipinas, alam niyang iyo’y katarungan o kawalan nito. Ang magagawa lang ng isang kolumnista upang masabi niyang gumagamit siya ng katarungan sa espasyong pinagkakaloob sa kanya ay magbigay ng halimbawa ng katarungan o kawalan ng katarungan bilang dagdag-paliwanag sa mga nauna nang mga paliwanag ng mga pilosopo at pilosopo ng mga pilosopo, ang Diyos. 

Para masabing hindi tayo bato o anumang bagay (maliban sa bagay na may buhay), hindi tayo basta umookupa ng espasyo, kundi binibigyang katwiran natin ang existence o pagkakaroon ng ating kolum (“occupying space vs. justifying existence”).

Nahirapan ang isang pulitiko o mga taga-suporta niya na ipaliwananag kung bakit kailangang huwag dumalo sa isang panayam patungkol sa kandidatura ngayong Mayo 2022. “Biased” daw ang kung sino. Alangan namang walang paliwanag dito. Sa paanong paraang naging hindi patas o magiging hindi patas ang panayam o ang interviewer, tanging sila na lang sa hanay ng pulitiko ang makapagsasabi (not necessarily makapagpapaliwanag). Ayon sa kanyang masugid na taga suporta na isa ring personalidad sa telebisiyon, “okay lang” ang hindi pagdalo pero “huwag namang sabihing ‘biased'” ang interviewer. Sumatutal, sadyang mahirap depensahan ang hindi pagdalo ng pulitiko sa panayam. Kailangang maipaliwanag ng maigi ito dahil kung hindi, sumasalamin ito sa hindi magandang pagtrato ng pulitiko sa mga mamamahayag. Sang-ayon ang marami sa tugon ng kinakatawang institusyon ng interviewer na mabibigat ang tanong sa panayam dahil mabibigat din ang mga hamon ng trabaho ng aplikanteng pulitiko. 

Marami sa edad kong mga touch typist kung gamit ang makinilya, sa halip na PC, ang nakaaalala (at maswerte kayo’t merong mga kopya nito sa Youtube) ng mga panayam sa dalawang napakahuhusay na lider ng bansa: Senador Ninoy Aquino at Pangulong Ferdinand Marcos. Siguradong mahihirapan kang tumutok sa pagtuktok ng mga titik sa typewriter kung gusto mo silang i-cover at pakinggan kung paano sumagot sa magkakahiwalay nilang panayam, halimbawa sa programang pantelebisyon na Face the Nation https://www.youtube.com/watch?v=7WePUo245W8 noong Marso 10, 1978 nang humarap si Ninoy sa panel of interviewers sa pangunguna ni Ronnie Nathanielsz, at marami ring panayam kay Marcos sa loob at labas ng bansa na pwedeng ulit-uliting mapanood sa Internet sa mga ganitong panahon ng late 1970s pati early ‘80s; gayundin si Ninoy. 

Napili ko ang Youtube link na ito sapagkat magandang ikumpara ito sa maaaring kaharapin ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pakikipanayam sa kanya sa napipintong eleksyon. Walang takot na hinarap ni Ninoy ang panayam. At bakit naman niya ikatatakot ang panayam na hindi naman niya ikamamatay? Sa kaso ni Marcos Jr. kamakailan, hindi magandang senyales ito ng pangangampanya. Maaaring maipanalo niya ang kampanya ng kanyang kandidatura, ngunit hindi ang kampanya sa katotohanan. Lalong hindi ang kampanya sa katarungan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.