Iniimbestigahan na ng CIDG ang kaso ng mga nawawalang sabungero

0
314

Iniimbestigahan na ngayon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kaso ng 10 lalaki na nawala matapos makita sa magkahiwalay na lugar ng sabungan sa Laguna at Maynila noong Enero 13.

“The CIDG is now connecting the dots. These incidents do have a lot in common. We will find out if there is a syndicate behind these cases,” ayon kay Philippine National Police (PNP) chief, Gen. Dionardo Carlos,sa kanyang statement kagabi.

Ang unang insidente ay kinasangkutan ng apat na magkakaibigang lalaki na napaulat na nawawala matapos sumali sa isang sabong sa Sta. Cruz, Laguna.

Sa kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera mula sa arena, nakitang palabas ng coliseum ang sasakyang ginamit ng mga biktima ngunit hindi malinaw kung nasa loob ng sasakyan ang mga ito.

Sa parehong araw, isa pang grupo ng anim na lalaki ang nawawala matapos sumali sa isang derby sa Maynila.

Nauna rito, idinagdag sa listahan ng mga nawawalang sabungero ang 10 pang lalaki mula sa Bulacan na dumalo rin sa isang sabong. Ang mga lalaking ito, ayon sa kanilang mga kamag-anak, ay mahigit ng walong buwan na nawawala.

Umaapela ngayon ang CIDG sa mga may-ari o sa pamunuan ng mga sabungan na makipagtulungan sa imbestigasyon upang matukoy ang mga posibleng handlers o financiers ng mga nawawalang lalaki.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.