3 suspek sa pekeng Covid-19 vaxx card scam, arestado

0
283

Inaresto ng Manila Police District (MPD) ang tatlong suspek na sangkot sa paggawa ng bogus na Covid-19 vaccination cards.

Ayon sa report ng pulisya kahapon, kinilala ang mga suspek na sina Rafael Cayabyab, 41, may-ari ng Lakay Printing Services; Ricardo Lugtu, 25, graphic artist; at Samil Asmadi, 23, pawang mga residente ng Maynila.

Arestado ang mga suspek sa isang operasyon sa distrito ng Quiapo noong Martes, nang magpanggap ang isang pulis bilang buyer ng pekeng vaccine card, at nag-abot ng Php 500 kay Lugtu.

Sa operasyon, nakumpiska kina Cayabyab at Asmadi ang iba pang pekeng vaccination card na ibinebenta sa halagang Php 500 bawat isa. Nakuha rin sa kanila ang isang laptop computer at isang printer.

Nasa kustodiya ng MPD Police Station 4 ang mga suspek at ire-refer para sa inquest proceeding.

Nauna rito, nagbabala ang Philippine National Police na maaaring kasuhan, pagmultahin, o makulong ang mga taong mahuhuling gumagamit ng pekeng Covid-19 vaccination card.

Kasama sa mga parusa ang multang mula sa Php 20,000 hanggang Php50,000, o pagkakulong ng isa hanggang anim na buwan, o pareho.

Noong Enero, nilimitahan ng iba’t ibang local government units ang paggalaw ng mga indibidwal na hindi pa nababakunahan dahil sa pagdami ng mga kaso ng highly transmissible na variant ng Omicron. Sa loob ng panahong ito ay maraming tao ang nahuling gumagamit ng mga pekeng vaccination card.

Sinabi ng PNP na mayroon silang access sa electronic verification system kung saan maaari nilang suriin kung ang isang tao ay nabakunahan o hindi.

Author profile
Gary P Hernal

Gary P Hernal started college at UP Diliman and received his BA in Economics from San Sebastian College, Manila, and Masters in Information Systems Management from Keller Graduate School of Management of DeVry University in Oak Brook, IL. He has 25 years of copy editing and management experience at Thomson West, a subsidiary of Thomson Reuters.