Kinasuhan ang 4 na POI hinggil sa mga nawawalang sabungero sa Laguna

0
878

Calamba City, Laguna . Sinampahan ng kasong kriminal ng pulisya ang apat na persons of interest (POI) kaugnay sa mga nawawalang sabungero sa Santa Cruz, Laguna.

Ang mga kasong Obstruction of Justice ay isinampa sa Provincial Prosecutor’s Office sa Santa Cruz, Laguna laban kina Julius Javillo, Jean Alanid, Marvin Flores at Hannah Bonan, pawang mga residente ng Barangay Plaza Aldea, Tanay, Rizal, ayon kay Lt. Col. Paterno Domondon, hepe ng Sta. Cruz Municipal Station.

Aniya, ang kaso ay isinampa na ng Philippine National Police sa pangunguna ni Cpl. Lacky Charlie Ramos, isang investigator-on-case na may mga support documents ng mga testimonya ng apat na testigo.

Aniya, nabigo ang mga respondent na makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon hinggil sa mga nawawalang sabungero sa bayang ito.

‘Di natin alam kung nagtago ang mga taong ito o nawawala rin, walang komunikasyon at kontak sa kanila at kung nasaan ang kanilang lokasyon. Kilala sila bilang mga financier at isa sa kanila ang may-ari ng farm,” ayon kay Domondon.

Sinabi niya na ang mga kaso na may kaugnayan sa pagkawala ng mga sabong aficianados ay kasalukuyang hawak ng Criminal Investigation and Detection Group-National Capitol Region.

Ang mga kamag-anak ng apat na lalaki na nawala noong Enero 14 ay nagpaplanong magsampa ng mga kaso laban kay Javillo at sa dalawang iba pa.

Si Mark Paul Fernandin, Milbert John Santos, Ferdinand Dizon at Manny Magbanua ay umalis sa bukid ni Javillo sakay ng isang service van noong Enero 14.

Habang ang una sa mga biktima na sina Bautista, Germar, Diano at Bohol- ay nawala noong Mayo 2021.

Walong magsasabong na ang nawawala sa Laguna kabilang ang iba pang 26 sa buong bansa.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.