Mayor sa Quezon, nakaligtas sa ambus

0
490

Infanta, Quezon. Nakaligtas si Mayor Filipina Grace America ng Infanta, Quezon sa isang ambush attempt pasado alas dose ng tanghali kanina, ayon sa Facebook post ng Police Community Affairs and Development Group-Calabarzon.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ni PMS Ireneo Luza ng Infanta Municipal Police Station, narekober sa lugar ng pinangyarihan ang pitong basyo ng bala mula sa hindi pa malamang kalibre ng baril.

Dumalo lang sa isang misa si Mayor Amerika at nasa loob ng kanyang sports utility vehicle nang paputukan siya ng hindi pa nakikilalang mga suspek, ayon sa report ni Infanta MPS Officer-in-charge PCapt. Higardo V. Sapiera.

Sinabi ni Quezon Governor Danilo Suarez sa ABS-CBN News na dinala si Mayor Amerika sa Claro M. Recto Memorial Hospital ngunit inilipat din agad sa isang ospital sa Metro Manila.

Humingi ng panalangin ang munisipyong Infanta at kinondena ang insidente, ayon sa isa pang post sa Facebook.

Ang Roman Catholic Prelate of Infanta, sa pamamagitan ni Bishop Bernardino Cortez, ay naglabas din ng pahayag, na nagsabing hindi kailanman malulutas ng karahasan ang mga sigalot.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.