SAP para sa lahat, iminumungkahi ni Andanar sa gitna ng pagtaas ng presyo ng gasolina

0
505

Sinabi ni Communications Secretary Martin Andanar, acting presidential spokesperson, nitong Huwebes na nakikita niya ang pangangailangan na palawakin ang umiiral na social amelioration program (SAP) upang maibsan ang paghihirap ng mga Pilipino sanhi ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo na dulot ng conflict ng Russia-Ukraine.

Sa isang panayam sa DZBB, sinabi ni Andanar na pabor siya sa pamamahagi ng cash subsidy ngunit kinikilala niya ang mga hamon ng pagbubuo ng pondo para sa programa.

“Kung gugustuhin talaga mas gusto natin mayroong ayuda, may SAP lahat,” ayon sa kanya.

Ang SAP ay isang buwanang cash subsidy na ibinibigay sa mga pamilyang mababa ang kita na ang mga kabuhayan ay naapektuhan ng pandemya ng Covid-19.

Pinabulaanan ni Andanar ang mga reserbasyon ng Department of Finance (DOF) sa panawagan ng mga mambabatas na suspindihin ang excise tax sa gasolina sa gitna ng tumataas na presyo ng langis.

“Nandoon nga iyong magiging dilemma natin sapagkat kapag tinanggal mo iyong excise tax siyempre maraming pondo ang mawawala doon sa social services sa DSWD (Department of Social Welfare and Development). So, kaya kailangan talagang balansehin nang husto itong problema at ang solusyon para hindi naman gaanong maaapektuhan din iyong ibang mga services ng ating pamahalaan,” dagdag niya.

Nauna rito, nagpahayag ng pagkabahala ang DOF na ang pagsuspinde sa mga excise tax sa gasolina ay hahantong sa pagkawala ng kita at magpapabagal sa pagbangon ng ekonomiya.

Sinabi ni Andanar na ang economic team ng gobyerno ang gagawa ng pinal na desisyon sa usapin.

“Depende pa rin sa ating economic managers. Hindi naman ako kasama doon sa economic cluster pero logic would tell you that, that saan ka kukuha ng pera?” ayon sa kanya.

Nauna dito, sinabi ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, chair ng House Committee on Ways and Means, na tatanungin niya ang economic managers kung maaaring palawakin ang SAP upang masakop ang mga pampublikong sasakyan.

Noong Lunes, sinabi ni Socioeconomic planning Secretary Karl Chua na iminungkahi ng National Economic and Development Authority (NEDA) na itaas ang fuel subsidy para sa mga PUV drivers sa PHP5 bilyon mula sa PHP2.5 bilyon, upang mas mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis na pinalala ng Ukraine- Russia war.

Ang unang tranche ay naka-target na maipamahagi noong Marso habang ang pangalawang tranche ay naka-target sa Abril.

Ang gobyerno ay naglalabas din ng katulad na fuel subsidy sa mga magsasaka at mangingisda gamit ang fuel-dependent agricultural machinery.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.