Papel ng Pilipinas sa digmaang Russia-Ukraine at paghingi ng karunungan mula sa Diyos

0
680

Nangangailangan ba ng ating paninindigan ang away ng dalawang magkapit-bahay? Kung walang papanigan sa dalawa, makabubuti ba ito sa kanila at sa atin? Patungkol ito sa pamayanang kinabibilangan na hindi kalayuan. Kung maghahagis ng bato, makararating ito sa gitna ng dalawa o kaya’y may tatamaang sinuman sa dalawa. Paano kung malayo, halimbawa’y sa labanan ng Russia at Ukraine na kontinente ang layo sa atin? Mas maigi ba kung magbigay tayo ng panig sa dalawang bansang nakikipagdigma sa isa’t isa? Nasa komunidad tayo ng mga bansa; ibig sabihin ba nito’y apektado na ang Pilipinas ng giyera sa bahagi ng Europa? Papaboran ba natin ang Russia o Ukraine? O wala sa dalawa?

Amity with all nations ang matutunghayan sa Saligang Batas. Paano maisasakatuparan ng Pilipinas ang amity (pakikipagkaibigan) kung lahat (all nations) ay kakaibiganin natin? Gigitna ba tayo’t walang kakampihan?

Heto ang papel ng Pilipinas:

Nakikipagkaisa ang bansa sa samahan ng mga nagkakaisang bansa – unang una na ang United Nations – dahil itinuturing nating bahagi ng batas ang mga pinapasok nating pandaigdigang kasunduan. Walang taong makapagsasapulo at walang bansa ang may sariling mundo. Kailangang makasama tayo sa pagpupunyaging matigil sa lalong madaling panahon ang patindi nang patinding sigalot ng Russia at Ukraine. Kung sino sa dalawa ang nagsimula ng giyera, nangangailangan ito ng isang mahaba at isang maikling kasagutan. Sa interes ng espasyo, doon lang tayo sa maiksing sagot. Pakana ng Russia ang opensiba laban sa Ukraine. Alangan naman Ukraine vs Ukraine? Alangan naman Ukraine ang merong opensiba sa simula’t sapul, samantalang malinaw na malinaw sa pahayag ni Putin na kailangan nila ng espesyal na operasyong military laban sa Ukraine. Higit ang deklarasyon sa anupaman. Kaya tinitingnan dapat ng Pilipinas ang agarang suporta at malasakit sa bansang binomba – Ukraine. Sekundarya na lang sa pagtingin natin ang bwelta nito. Gaganti at gumanti na nga sila. Depensa ang gumanti sa digmaan, bagamat palusot ni Putin na depensa lang din naman daw ang kanilang ginagawa dahil umano sa nalalagay sa alanganin ang depensa (sa border) nila laban sa mananakop sa mga ginawa ng West sa paligid ng Russia. Huwag ako, huwag kami, Putin. Iba na lang ang iyong lokohin.

Sa ganang akin, agarang sanction ang dapat ipatupad ng UN laban sa Russia, at laban din kay Putin. Kasunod nito, ipilit sa dalawang hindi nagkakasundong bansa na magkasundo (ano pa nga ba?) dahil maraming nadadamay sa magkabilaang panig. Pero maghunos-dili ang Pilipinas sa bagay na hindi naman praktikal, ang lumaban sa Russia at all costs. Hindi “sana all”, kundi lumaban ayon sa kakayahan katulad ng pakikipagsanib-pwersa sa mga bansang nagkakaisa para lalong lumakas ang epekto ng paglaban. Pwersa nga ito, pero sumasailalim dapat sa prinsipyong katanggap-tanggap sa international law. At hindi kung kani-kaninong utak. Doon tayo sa utak na naglalaman ng kahinahunan, pag-ibig sa kapwa, pagharap at pagresolba sa problema sa tanggulang pambansa. Maging malinaw sa atin kung kaninong tiwala ang nasira.

Dumating na tayo sa hindi dapat mawalang punto: Kaya tayo papanig sa Ukraine ay sa kadahilanang nais natin ng agad na tigil-putukan. Sila ang unang binanatan; huling yugto ng 2021, may klarong paramdam na ang Russia sa gagawing opensiba. Russia ang sumira sa tiwala ng bansang katabi at Russia ang sumira sa pisikal na bansang nananahimik lamang sa kanilang tabi. Anumang sentimiento ni Putin bago ang kanilang opensiba, wala siyang karapatang gumamit ng sobrang dahas sapagkat hindi ito angkop sa kasunduang pinasukan nila sa mga bansang nagkakaisa. Isa pa, hindi duty bound o labas sa tungkulin ng mga sundalo ang sundin siya sa illegal and/or irresponsible order niya.

Sa ngayon, maliban kung may agad na mabago, nabibigyang daan ang usapang pangkapayapaan ng dalawang bansa. Ewan ko, pero lugi na ang mga mamamayan ng Ukraine. Lugi man, nakikipag-usap pa rin sila sa pamamagitan ng mga opisyales na handang makipag-usap nang paupo. Kaya gayon na lang ang pagsuporta ni Bise Presidente Leni Robredo sa Ukraine: “It is a moral imperative to stand against bullying and unprovoked aggression, especially given the reports of civilians and residential areas deliberately targeted in the course of this invasion.” Kaisa si VP Leni sa paninindigan ng pamahalaan na sumuporta sa international community sa pagkondena sa ginawa at ginagawang opensiba ng Russia. Kapwa Republican and Democratic senators naman sa Estados Unidos ang nagpasa ng resolusyong humihikayat sa ICC at iba pang mga bansa na imbestigahan ang hukbo ng Russia at papanagutin ito sa war crimes sa pagsakop nito sa Ukraine. 1991 pang bumuo ng diplomatic relations ang Amerika at Ukraine matapos ang kalayaan nito mula sa Soviet Union.

Higit sa lahat, ipanalangin nating maipagkaloob ng Diyos ang karunungan sa mga lider ng mga bansa kung paano ipapanalo ang kapayapaan at katiwasayan. Mahirap ito, ngunit Siya ang sandigan.

Sa pagdami ng mga bangkay sa siyam na araw na pagkubkob ng Russia sa Mariupol, nagmamadali ang mga lokal na awtoridad na ilibing ang mga patay sa isang mass grave.
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.