Bus terminals ilalagay sa ‘heightened alert’ para sa Semana Santa exodus

0
271

Ilalagay sa “heightened alert” ang mga terminal ng bus sa buong bansa mula Biyernes hanggang Abril 16 bilang bahagi ng paghahanda ng gobyerno sa pag uwi ng mga deboto at bakasyunista sa Semana Santa at summer vacation.

Sa isang pahayag kahapon, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ang kanilang central office at regional directors ay inutusan ng makipagtulungan sa iba pang ahensya ng gobyerno sa pagtiyak ng seguridad ng mga commuter at tamang pagsunod sa mga protocol sa lahat ng mga bus terminal.

“Inaasahan ang matinding pagdagsa ng mga pasahero dahil sa Semana Santa (We are expecting a massive influx of passengers because of the Holy Week),” ayon sa LTFRB.

Sa ilalim ng programang tinawag na “Oplan Biyaheng Ayos: Summer Vacation 2022” ng Department of Transportation (DOTr), magsasagawa ang LTFRB ng random inspections sa mga bus upang matiyak ang roadworthiness at kaligtasan ng mga pasahero.

Pinapayuhan ang mga commuter sa NCR at mga kalapit na lungsod na gamitin ang apat na pangunahing land terminal, ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), ang Santa Rosa Integrated Terminal (SRIT), at ang North Luzon Expressway Terminal (NLET), at ang Araneta Center Terminal.

Maglalagay ng Malasakit Help Desks sa integrated terminals at sa mga lugar na malapit sa private terminals para magbigay ng impormasyon sa mga commuters.

Ang mga pribadong terminal sa NCR ay pinapayagan lamang na mag-operate mula 10 p.m. hanggang alas-5 ng umaga alinsunod sa “window scheme” na ipinatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority, ayon pa rin sa LTFRB.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.