DepEd sa mga magulang: Ipalista ng maaga ang mga mag-aaral para maiwasan ang mahabang pila

0
567

Pinayuhan ng Department of Education (DepEd) ang mga magulang kahapon na irehistro ng maaga ang kanilang mga anak na papasok sa Kinder, Grade 1, Grade 7, at Grade 11 upang maiwasan ang karaniwang siksikan sa panahon ng aktwal na enrollment.

Sa isang virtual press conference, nanawagan si Education Secretary Leonor Briones sa mga magulang at guardians na iparehistro ang kanilang mga anak upang mahusay na maigawa ng plano ang blended learning setup sa susunod na school year.

“We are calling for more and more participants na sana ang mga parents, i-enroll na nila ang kanilang mga bata para ma-avoid ang usual crowds and usual long lines, during the official enrollment time,” ayon sa kanya.

Sinabi ni Briones na inaasahan nila ang mas mataas na enrollment turnout sa darating na school year.

Sa ngayon, 1,805,620 na mag-aaral na ang nakalista sa early registry, na umaabot sa halos 25 porsyento ng mga target na registrants ng DepEd na mahigit 7.35 milyon. Ang maagang pagpaparehistro para sa mga entry-level na mag-aaral ay naka-iskedyul mula Marso 25 hanggang Abril 31.

Sinabi ni DepEd Director Roger Masapol na inaasam nilang umabot sa 28,674,298 million Kinder to Grade 12 (K-12) ang enrollees para sa susunod na school year sa pampubliko at pribadong paaralan.

Idinagdag ni Masapol na nalampasan na ng bansa ang bilang ng pre-pandemic.

“Na-surpass na natin ‘yung level ng 2019, ‘yung level ng 2018, and then naka-recover na tayo sa 2020 na 26.2 lang, at na-reover natin dito sa kasalukuyan, kung idadagdag natin ‘yung ALS (Alternative Learning System) ay nasa 28 million na po tayo ngayon,” ayon sa kanya..

Samantala, sinabi ng DepEd na umabot na sa 25,173 ang mga nominadong paaralan para sa progresibong face-to-face classes (24,476 public; 697 private).

Ang bilang na ito ay 43.8 porsyento ng 57,475 kabuuang bilang ng paaralan sa buong bansa, na katumbas ng higit sa 5.4 milyong mag-aaral.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.