DILG chief: Wala pang balita kay PRRD tungkol sa term extension ni Carlos

0
463

Wala pang natatanggap na balita si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año kay Pangulong Rodrigo R. Duterte sa posibleng pagpapalawig ng termino ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Dionardo Carlos na nakatakdang magretiro sa Mayo 8.

“There is no guidance from PRRD (President Rodrigo Roa Duterte). So far, Gen. Carlos will retire as scheduled,” ayon sa pahayag ni Año kahapon.

Si Carlos, na pumalit kay Senate aspirant at dating PNP chief Gen. Guillermo Eleazar noong Nobyembre, ay nakatakdang magretiro sa Mayo 8, kapag siya ay umabot sa mandatoryong edad ng pagreretiro na 56. Ang petsa ay darating isang araw bago sumapit ang pambansa at lokal na halalan.

Kung irerekomenda niya ang pagpapalawig ng panunungkulan ni Carlos, sinabi ni Año na kailangan niyang suriin at hintayin ang utos ng pangulo.

“He has two options. PRRD can say ‘okay I’ll extend you (Carlos) up to June 30. Or he can appoint an OIC. But more likely, the President does not want any extension to avoid any issue,” dagdag ni Año.

Kung ayaw ng Pangulo na palawigin ang termino ni Carlos, sinabi ni Año na isusumite niya sa pangulo ngayong linggo ang listahan ng mga opisyal ng pulisya na maaaring humalili kay Carlos.

Kabilang sa mga opisyal na maaaring humalili kay Carlos ay sina Lt. Gen. Rhodel Sermonia, ang No. 2 man ng PNP bilang deputy chief for administration; at Lt. Gen. Vicente Danao, ang No. 4 na tao ng PNP bilang hepe ng PNP Directorial Staff.

Ang No. 3 man ng PNP, ang PNP deputy chief for operations Lt. Gen. Ferdinand Divina, ay nakatakda na ring magretiro sa Mayo 2 o anim na araw bago ang nakatakdang pagreretiro ni Carlos.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.