“Termite gang’ nagtangkang manloob sa isang mall sa SPC

0
448

San Pablo City, Laguna. Nakapasok at nagtangkang magnakaw ang hinihinalang ‘termite gang’ sa isang mall sa lungsod na ito subalit nagsitakas ang mga suspek matapos lumusob ang mga tauhan ng San Pablo City Police Office (CPO)  sa pangunguna ni PCol. Garry C. Alegre.

Ayon sa ulat ng San Pablo CPO Philippine National Police (PNP) kahapon, binutas ng grupo ang isang bahagi ng kisame ng mall at binutas din ang sahig ng isang comfort room na tumatagos hanggang sa drainage palabas ng mall. Nakita din sa closed-circuit TV (CCTV) ng mall ang pagtalon ng tatlong lalaki pabalik sa butas. Naiwan pa ng mga ito ang kanilang mga kagamitan sa pagnanakaw kagaya ng acetylene, metal cutting saw at mga lubid. Pinaniniwalaang sa sewer dumaan ang miyembro ng Termite gang para makapasok sa mall.

Nakapasok na sa loob ng mall ang mga suspek ngunit mabilis na sumuot ang mga ito pabalik sa butas na kanilang ginawa matapos makatunog na narinig sila ng mga security guards ng mall na mabilis na nakahingi ng tulong sa San Pablo CPS.

Nakita din ng mga pulis ang mga butas sa dingding sa isang bahagi ng mall.

Walang nakuha ang mga magnanakaw at wala ring nasaktan sa insidente. Samantala, patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang San Pablo CPO. Tiniyak naman ng mall management na makikipagtulungan sila sa mga awtoridad.

Author profile
Kevin-Pamatmat
Kevin Pamatmat

Si Kevin Pamatmat ay miyembro ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng pamamahayag bilang  photojournalist at news correspondent noong 2004. Broadcaster din siya sa DZJV 1458 Radyo Calabarzon at Balita Ngayon Online News.