CAVITE CITY. Natuklasan ng mga awtoridad dito na isang Hapones na abogado na nahaharap ngayon sa kaso ang may kinalaman sa mga bantang bomba sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, kumpanya, at establisyemento sa bansa, gamit ang electronic mail (e-mail), nitong nakaraang araw.
Natuklasan ito matapos muling magkaroon ng banta ng bomba sa Brgy. Tejeros Convention, Rosario, Cavite.
Natukoy ng mga pulis ang Hapones na si Takahiro Karasawa, isang abogado mula sa Steadiness Law Office, bilang suspek sa serye ng mga bantang ito.
Sa isang ulat, nakita ang pagkakakilanlan sa Hapones matapos tumanggap ng tawag ang Admin Building ng Cavite Economic Zone Authority (CEZA) ng 3:00 ng hapon sa Brgy. Tejeros Convention sa Rosario, Cavite na diumano ay may nakatanim na bomba sa nabanggit na pabrika.
Sinabi ni Daisylyn C. Santos, secretary 1, na siya ay nakatanggap ng e-mail message na nagsasabing may bomba sa kanilang pabrika at anumang oras ay maaaring sumabog.
Ayon sa Rosario Municipal Police, may mga naunang banta rin sila ng bomba noong Setyembre at Disyembre ng nakaraang taon.
Kaugnay nito, ang Bureau of Immigration (BI) ay kasalukuyang nag-iimbestiga na sa naturang Hapones na nagpadala ng mga banta ng bomba sa mga opisina ng gobyerno.
Ayon kay Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco, nag-utos siya ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan sa naturang Hapones.
“We will also be verifying if this is his real identity, or if he is a prankster using a fictitious name,” ayon sa kanya.
Ang suspek ay mahaharap sa ilang kasong krimen kaugnay sa pagpapadala ng mga bantang ito, ayon sa mga awtoridad.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo