MAYNILA — Pinigilan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang ilang Chinese fishing boats na nagsasagawa umano ng ilegal na pangingisda malapit sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea.
Ayon sa AFP Western Command, namataan noong Oktubre 24 ang mga “walang pahintulot” na bangkang pangisda ng China sa paligid ng shoal.
“Alinsunod sa mga umiiral na protocol, agad na ineskortan ng ating mga tauhan ang mga bangkang ito palabas ng lugar at nakumpiska ang ilang bote na naglalaman ng hinihinalang kemikal na cyanide na ginagamit sa mapanirang cyanide fishing,” ayon sa pahayag ng AFP noong Linggo ng gabi.
Dagdag pa ng militar, ang mabilis na aksiyon ay nakapigil sa posibleng pinsala sa mga bahura at yamang-dagat, patunay ng kanilang paninindigan na protektahan ang ekolohikal na integridad ng West Philippine Sea para sa susunod na henerasyon.
Binigyang-diin ng AFP na legal ang tuloy-tuloy na presensiya at pagpapatrolya ng mga puwersang Pilipino sa West Philippine Sea upang tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipinong nasa lugar, pangalagaan ang teritoryo ng bansa, at mapanatili ang likas na yaman ng karagatan.
Humingi ng komento ang GMA News Online mula sa Chinese Embassy sa Maynila hinggil sa insidente, ngunit wala pa itong tugon hanggang sa oras na isinusulat ang balitang ito.
Ang Ayungin Shoal ay isang bahurang nakalubog sa Spratly Islands, mga 105 nautical miles sa kanluran ng Palawan, at bahagi ng 200-mile exclusive economic zone ng Pilipinas.
Nakaangkla sa lugar ang BRP Sierra Madre mula pa noong 1999 bilang bahagi ng presensiya ng bansa sa pinagtatalunang karagatan.
Noong Enero, nagkasundo ang Pilipinas at China na ipagpatuloy nang walang takdang panahon ang kasunduan sa resupply at rotation missions ng Maynila sa BRP Sierra Madre. Nilagdaan ito noong Hulyo 2024 upang maiwasan ang muling pag-igting ng tensyon matapos ang marahas na insidente noong Hunyo 17, 2024.
Patuloy pa rin ang tensyon sa rehiyon dahil sa malawak na pag-aangkin ng Beijing sa halos buong South China Sea, kabilang ang ilang bahagi na inaangkin din ng Pilipinas, Vietnam, Indonesia, Malaysia, at Brunei.
Tinawag ng pamahalaan ang mga bahagi ng South China Sea na sakop ng Pilipinas bilang West Philippine Sea upang patibayin ang karapatan ng bansa sa mga nasabing teritoryo.
Noong 2016, nagpasiya ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague pabor sa Pilipinas, na nagsabing walang legal na batayan ang pag-aangkin ng China sa South China Sea. Hanggang ngayon, tumatanggi ang Beijing na kilalanin ang naturang desisyon.
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo





