Agri-Puhunan at Pantawid Program, inilunsad ng DA

0
49

MAYNILA. Pormal nang inilunsad ng Department of Agriculture (DA) ang Agri-Puhunan at Pantawid Program (APP) nitong Biyernes, isang programa ng pamahalaan na naglalayong tugunan ang mga suliraning pinansyal ng mga magsasaka sa pamamagitan ng mababang interes sa pautang at buwanang subsidiya.

Pinangunahan mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang seremonya ng paglulunsad sa Alabel, Sarangani, kung saan ipinunto niya ang layunin ng programa na magbigay-ginhawa sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng agrikultura sa bansa.

Sa ilalim ng APP, maaaring umutang ang mga kwalipikadong magsasaka ng hanggang ₱60,000 kada cropping season na may 2% annual interest rate lamang.

“Simula ngayon, hindi niyo na po kailangan alalahanin ang mataas na tubo na kaakibat ng inyong hinihiram,” ani Pangulong Marcos sa kanyang talumpati.

Bilang dagdag na tulong, ipatutupad din ang ₱8,000 monthly subsistence allowance sa loob ng apat na buwan — mula sa yugto ng pagtatanim hanggang sa pag-aani.

“Sa panahon naman ng pagtanim hanggang sa pagaani, makakatanggap din kayo ng tulong pantawid na nagkakahalaga ng ₱8,000 tuwing unang linggo sa loob ng apat na buwan,” dagdag pa ng Pangulo.

Maaaring magbayad ng utang ang mga benepisyaryo sa pamamagitan ng pagbebenta ng kanilang ani sa National Food Authority (NFA) o sa pamamagitan ng DA-accredited cooperatives. Bukod dito, makatatanggap din sila ng Intervention Monitoring Cards na maaaring gamitin para makabili ng farming inputs at kagamitan mula sa mga accredited suppliers.

Bilang bahagi ng suporta sa makinarya at teknolohiya, inanunsyo rin ni Marcos ang pamamahagi ng agricultural machinery tulad ng mobile disinfection truck at forage chopper na makatutulong upang mapaunlad ang produksyon at kita ng mga magsasaka.

Ang paglulunsad ng APP ay isa lamang sa mga hakbang ng kasalukuyang administrasyon upang patuloy na paigtingin ang suporta sa sektor ng agrikultura at tiyaking hindi naiiwan ang mga magsasaka sa pag-unlad ng bansa.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.