MAYNILA. Nagdaos ng protesta ang mga miyembro ng Akbayan Party-list sa harap ng opisina ng St. Gerrard Construction sa Pasig City nitong Biyernes upang ipanawagan ang pananagutan ng pamilya Discaya na umano’y sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Si Sarah Discaya, na tumakbo laban kay Pasig City Mayor Vico Sotto noong nakaraang halalan, ay kinikilalang may-ari ng St. Gerrard at iba pang construction firms.
Ayon kay Akbayan Rep. Perci Cendaña, na nanguna sa pagtitipon, layunin ng piket na ipakita ang galit ng taumbayan laban sa korapsyon. “Kahit offline maramdaman nitong mga kontratista, ng mga tiwaling opisyal ang galit ng taumbayan kasi tingin ko ito yung mahalagang simula para buksan itong mga usapin pagdating sa katiwalian kung saan mayroon talagang totoong mapapanagot,” aniya.
Dagdag pa ni Cendaña, maituturing na tagumpay ang kanilang kampanya kung mapapanagot ang mga sangkot na kontratista at opisyal ng pamahalaan.
Kasabay nito, nanawagan siya sa pamilya Discaya na dumalo sa pagdinig ng Kamara sa Setyembre 2 kaugnay ng kontrobersyal na flood control projects. “Itong refusal nila to participate dito sa processes for accountability baka guilty kaya ganyan nagtatago at ayaw humarap,” wika niya.
Nagbabala si Cendaña na magsusumite siya ng subpoena kung hindi pa rin dadalo ang mga Discaya sa nakatakdang pagdinig.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






