MAYNILA. Inihayag ng Department of Health (DOH) na ang mga sintomas ng bagong FLiRT variant KP.2 ay katulad ng sa mga naunang COVID-19 strains, kabilang ang lagnat, ubo, sipon, at fatigue, na parang trangkaso o karaniwang sipon.
Ayon kay DOH spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo, natukoy ang “FLiRT” variants sa bansa at kinumpirma nitong Martes ang dalawang kaso ng KP.2 base sa sequencing data mula sa Philippine Genome Center.
Gayunpaman, sinabi ni Domingo na may mga sample na nakolekta bago pa man noong Mayo na hinihintay pa ang resulta ng sequencing, na nagmumungkahi na posibleng may KP.2 na kaso sa Pilipinas bago pa matukoy ang mga unang dalawang kaso.
Sa kasalukuyan, iniulat ng DOH na ang KP.2 ay inuri ng World Health Organization (WHO) bilang variant under monitoring at walang ebidensyang nagpapakitang nagdudulot ito ng severe hanggang critical COVID-19. Dagdag pa ng DOH, kailangan pa ng karagdagang pagsusuri upang matukoy ang transmissibility at kakayahan nitong iwasan ang immune response.
Sa gitna ng muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19, lalo na sa pagsisimula ng tag-ulan, pinapayuhan ng DOH ang publiko na magsuot ng tamang facemask kung kinakailangan. Ipinapayo rin nilang manatili na lamang sa bahay kung masama ang pakiramdam upang maiwasan ang posibleng transmission.
Ayon kay infectious disease expert Dr. Rontgene Solante, ang mga nabakunahan ilang taon na ang nakalipas ay maaaring hindi na makakuha ng malaking proteksyon laban sa mga mas bagong strains ng coronavirus, kaya’t ang lahat ay magiging vulnerable ulit sa virus. Sinabi ni Dr. Solante na ang mga mahihinang indibidwal, lalo na ang matatanda at immunocompromised, ay maaaring makaranas ng malubhang impeksyon kapag nahawahan ng mga variant ng FLiRT.
Habang pinaninindigan na ang immunity mula sa orihinal na COVID-19 primary series at boosters ay humihina sa paglipas ng panahon, binigyang-diin ng DOH na ang immunity na ito ay “hindi ganap na nawala.”
“There may be some degree of residual immunity left which is still better than having not been vaccinated at all. Nevertheless, the DOH is aware that the said immunity will not stay forever,” sabi ni Domingo.
Image Credit: Orpheus FX / Shutterstock
Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo