Pagdami ng kaso ng Covid-19 sa gitna ng kapaskuhan: Alert Level 2 status ang PH hanggang Enero 15

0
521

Dahil sa pagdami ng mga kaso ng Covid-19 sa gitna ng kapaskuhan, pinapanatili ng COVID-19 task force ng Pilipinas ang buong bansa sa Alert Level 2 status mula Enero 1 hanggang 15, 2022.

“The Inter-Agency Task Force (IATF) on Wednesday, December 29, 2021, approved the recommendation to maintain all provinces, highly urbanized cities, and independent component cities under Alert Level 2 from January 1, 2022 until January 15, 2022,” ayon kay Acting Presidential Spokesperson, Cabinet Secretary Karlo Nograles sa isang press statement.

Noong Miyerkules, iniulat ng Department of Health (DOH) ang 889 na active cases ng Covid-19, na nagtulak sa buong bansa sa tally na mahigit 2.8 milyon.

Ang bilang na ito ang pinakamataas na bilang ng daily attack rate na naitala ng bansa mula noong Nob. 27.

Tumaas din ang positivity rate sa 4.5 percent, na pinakamataas din simula noong Nob. 13.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi pa rin malinaw kung ang surge ay dahil lamang sa holiday activities o dahil sa Omicron variant.

Kaugnay nito, sinabi ni Nograles na naglabas din ang IATF ng updated na risk classification ng mga bansa, teritoryo, at hurisdiksyon simula Enero 1 hanggang 15.

Ang mga destinasyon sa ilalim ng “red list” o may high risk ng Covid-19 infection ay ang Eswatini, Lesotho, Malawi, Mozambique, Namibia, at Spain.

Nasa “green list” naman o low risk of Covid-19 infection ang Bangladesh, Benin, Bhutan, British Virgin Islands, China (Mainland), Cote d’ Ivoire (Ivory Coast), Djibouti, Equatorial Guinea, Falkland Islands (Malvinas), Fiji, The Gambia, Guinea, Hong Kong (Chinese Special Administrative Region), Indonesia, Kuwait, Kyrgyzstan, Liberia, Montserrat, Oman, Pakistan, Paraguay, Rwanda, Saba (Special Municipality of the Kingdom of the Netherlands), Saint Barthelemy, Sao Tome and Principe, Senegal, Sierra Leone, Sint Eustatius, Taiwan, Timor-Leste (East Timor), Togo, Uganda at United Arab Emirates. 

Ang lahat ng iba pang bansa/teritoryo/ hurisdiksyon na hindi binanggit sa itaas ay nasa ilalim ng “yellow list” o ang mga nasa katamtamang panganib ng impeksyon sa Covid-19.

Sa rekomendasyon ng Department of Foreign Affairs, inaprubahan din ng IATF ang pagtanggap/pagkilala para sa mga layunin ng arrival quarantine protocols gayundin para sa interzonal/intrazonal movement ang national Covid-19 vaccination certificate ng Armenia, Belgium, Canada, France, Germany, Kuwait, New Zealand, Sri Lanka, Thailand, United States of America, at Oman.

Karagdagan pa ito sa iba pang mga bansa/teritoryo/ hurisdiksyon na ang mga proof of vaccination ay inaprubahan na ng IATF para sa pagkilala sa Pilipinas, at nang walang pagkiling sa iba pang mga proof of vaccination na inaprubahan ng IATF para sa lahat ng inbound travellers.

Ang Bureau of Quarantine, ang Department of Transportation-One Stop Shop at ang Bureau of Immigration ay inaatasan na kilalanin lamang ang mga proof of vaccination na naaprubahan ng IATF.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.