Alice Gou at pamilya, pinadadampot na ng Senado

0
207

MAYNILA. Pinaaresto ng Senado si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at pito pang kasamahan dahil sa diumano ay pagkakasangkot nila sa ilegal na aktibidad.

Nilagdaan nina Senate President Francis Escudero at Senador Risa Hontiveros, chairman ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality, ang arrest order nitong Hulyo 11 dahil sa kabiguan ni Guo na dumalo sa imbestigasyon ng Senado ukol sa reklamo ng kriminal na aktibidades sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Kasama sa mga pinaaaresto sina Dennis Lacson Cunanan, Nancy Jimenez Gamo, gayundin ang mga magulang ni Guo na sina Jian Zhong Guo at Wen Yi Lin, at mga kapatid na sina Seimen, Sheila, at Wesley.

Nakasaad sa arrest order ang pag-aresto at pagkulong kina Guo at kanyang mga kasamahan sa Office of the Sergeant at Arms hanggang dumalo sila at humarap sa komite. “The Sergeant-At-Arms is hereby directed to carry out and implement this Order and make a return hereof within twenty-four (24) hours from its enforcement,” nakasaad sa kautusan.

Ito ay bunga ng hindi pagdalo ni Guo sa mga ginanap na hearing noong Hunyo 26 at Hulyo 10. Matatandaan na pina-cite in contempt ni Hontiveros sina Guo noong Hulyo 10 dahil sa magkahiwalay na mosyon nina Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada at Sen. Sherwin Gatchalian.

Si Guo ay inakusahan ng pag-antala, paghadlang, at pagharang sa pagdinig ng Senado kaugnay ng ilegal na operasyon ng POGO. Lumiham si Guo sa Senado at sinabing hindi siya “physically and mentally fit” para dumalo sa pagdinig noong Hulyo 10, ngunit hindi ito tinanggap na dahilan ng mga senador.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo