Alice Guo, arestado sa Indonesia; Pangulong Marcos, nagpasalamat sa mga awtoridad

0
139

MAYNILA. Naaresto na sa Indonesia si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, ayon sa ulat ng Department of Justice (DOJ).

Batay sa ulat na natanggap mula kay Senior Supt. Audie Latuheru ng Indonesian Police, naaresto si Guo dakong 11:58 ng gabi noong Setyembre 3, 2024 sa Sandana Park Residences sa Tangerang City, Indonesia. Siya ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Indonesian Police sa Jatanras Mabes Polri, at isinasagawa na ang mga hakbang upang siya ayy mapabalik sa Pilipinas.

“According to Senior Superintendent Audie Latuheru of the Indonesian Police, Ms. Guo was apprehended at 11:58 PM on September 3, 2024,” ayon sa pahayag ng DOJ.

Kinumpirma rin ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang pagkakaaresto kay Guo ng Indonesian Police. Ayon sa ulat, nagsimula na ang koordinasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Philippine Embassy sa Indonesia upang mapabilis ang kanyang deportasyon pabalik ng Pilipinas.

Bagama’t wala pang tiyak na araw kung kailan siya makakabalik, sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na mahigpit nilang ipatutupad ang security plan upang matiyak ang kanyang kaligtasan sa pagdating. Ayon kay Santiago, tinangka pa ni Guo na itago ang kanyang pagkakakilanlan upang hindi siya mahuli, at sinabi ng mga otoridad sa Indonesia na nagpagupit pa siya ng buhok upang hindi makilala.

Sa pagbabalik ni Guo sa Pilipinas, haharap siya sa mga kasong kinabibilangan ng quo warranto petition, tax evasion, at human trafficking, na nag-ugat sa sinalakay na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Bamban, Tarlac.

Noong Agosto 23, naaresto rin sina Lucky South 99 incorporator Cassandra Ong at kapatid ni Guo na si Shiela Guo sa Indonesia, at sila’y agad na pinadeport pabalik ng Pilipinas.

Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco, nakikipag-ugnayan na sila sa Indonesian immigration authorities upang mapabilis ang deportasyon ni Guo. Inaasahang si Guo ay iti-turn over sa BI at NBI sa kanyang pagbabalik sa bansa.

Samantala, nagpasalamat si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga law enforcement agencies, kabilang na ang pamahalaan ng Indonesia, sa matagumpay na pagkakaaresto kay Guo. “We are grateful for the cooperation between our law enforcement and the Indonesian authorities in apprehending dismissed Mayor Alice Guo,” pahayag ni Pangulong Marcos noong Setyembre 4, 2024.

Ang pagkakaaresto kay Guo ay bahagi ng masusing kampanya laban sa mga illegal na aktibidad na kinasasangkutan ng mga pampublikong opisyal.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo