Alice Guo at 7 pa, kulong habambuhay sa human trafficking case

0
355

MAYNILA — Sinentensyahan ng habambuhay na pagkakakulong ng Pasig City Regional Trial Court ang pinatalsik na alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo o Guo Hua Ping, kasama ang pitong iba pang akusado, sa kasong qualified human trafficking kaugnay ng isang Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa Tarlac.

Nasa 16 ang kabuuang akusado sa kaso, at walo sa kanila ang nahatulang guilty. Ayon sa desisyon ni Pasig RTC Branch 167 Presiding Judge Annielyn Medes-Cabelis, parehong pinagmumulta ang mga nahatulang P2 milyon bawat isa.

Dumalo si Guo sa promulgasyon sa pamamagitan ng online hearing habang nakakulong sa Pasig City Jail Female Dormitory. Iniutos rin ng korte ang paglilipat niya sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City, habang ang iba pang nahatulang guilty ay ililipat sa Bureau of Corrections (BuCor) sa Muntinlupa City.

Batay sa pahayag ng Department of Justice (DOJ) prosecutor, forfeited na rin ng gobyerno ang Baofu Land Development Inc. sa Tarlac na naging sentro ng POGO hub at pinagbatayan ng mga imbestigasyon.

Ang kasong ito ay nakabatay sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, na inamyendahan ng Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 at 2022. Ang reklamo ay isinampa ng Philippine Anti-Illegal Recruitment and Trafficking Council (PAOCC) at ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) matapos madiskubre ang iligal na operasyon sa POGO hub ng Baofu Land Development Inc.

Inilipat ang kaso sa Pasig RTC mula Tarlac RTC matapos hilingin ni dating Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, upang maiwasan umano ang anumang impluwensya o pagiging bias ng dating alkalde ng Bamban.

Noong Hunyo 2025, paboran naman ng Manila RTC Branch 34 ang petisyon ng Solicitor General na mapatalsik si Guo sa puwesto sa pamamagitan ng instant petition for quo warranto, matapos mapatunayang si Alice Leal Guo at Guo Hua Ping ay iisang tao.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.