Alice Guo nagpiyansa sa kasong Graft, mananatiling nakakulong dahil sa iba pang kaso

0
133

MAYNILA. Nagpiyansa si dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo noong Biyernes, Setyembre 20, kaugnay ng kanyang mga kasong graft. Sa kabila ng piyansa, mananatili siyang nakakulong dahil sa iba pang kaso at contempt orders mula sa Senado at Kamara.

Si Guo, na kasalukuyang naka-detain sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, ay nagbayad ng P540,000 na piyansa sa Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Branch 282 para sa mga kasong paglabag sa Section 3(e) at 3(h) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act. Ang mga kasong ito ay nag-ugat mula sa reklamong inihain ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na may kaugnayan sa raid sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Bamban.

Nakaiskedyul sana ang arraignment ni Guo noong Biyernes ngunit ipinagpaliban ito matapos maghain ng motion to quash information ang kanyang kampo. May hanggang Setyembre 25 ang mga partido para magsumite ng kanilang komento sa nasabing mosyon.

Ayon sa prosekusyon, ang piyansa ni Guo ay itinaas ng triple at ito ay inaprubahan ng Valenzuela court. Ipinunto rin ng hukuman ang kapasidad ni Guo na magbayad ng malaking halaga ng piyansa, base sa kanyang mga biyahe palabas ng bansa.

“Tanggap na niya ang sitwasyon, nag-sink na sa kanya ang mga pangyayari. As I have said, you just have to leave it to the Lord because he has a better purpose for all that is happening right now,” sabi ni Atty. Stephen David, abogado ni Guo.

Matapos makapagpiyansa, muling inaresto si Guo dahil sa mga kasong kinakaharap naman niya sa Pasig RTC. Mula sa Valenzuela RTC, dinala siya sa Camp Crame para sa medical examination.

Inutos din ng Pasig RTC Branch 167 ang paglilipat kay Guo mula sa PNP Custodial Center patungo sa Pasig City Jail Female Dormitory kaugnay ng kanyang kasong qualified trafficking, na isang non-bailable offense. Sa oras na mailipat si Guo sa naturang pasilidad, makakasama niya ang mahigit 40 iba pang mga preso, kabilang ang tatlong kasamahan ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy.

Samantala, tiniyak ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na walang VIP treatment na ibibigay kay Guo.

Bukod sa mga kasong graft, sinampahan na rin si Guo ng 87 counts ng money laundering sa Department of Justice. Isang quo warranto petition ang inihain laban sa kanya, pati na rin ang petisyon na kanselahin ang kanyang birth certificate sa korte sa Tarlac.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo