MAYNILA. Kinumpirma ng Bureau of Immigration (BI) kahapon na nasa Indonesia na si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo. Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, bumiyahe si Guo mula sa Pilipinas patungong Malaysia noong Hulyo 16, at dumating sa Indonesia mula sa Singapore noong Agosto 18.
“Sa atin pong pagbantay sa mga counterpart intelligence information, nalaman natin nasa Indonesia ngayon. Tumawid siya from Singapore the other day, August 18,” sabi ni Sandoval.
Dagdag pa niya, ang BI ay nagsasagawa ng backtracking sa mga galaw ni Guo upang matukoy ang mga taong tumulong sa kanya sa pagtakas sa bansa. Hindi rin nila tinatanggal ang posibilidad na may ilang opisyal ng BI ang maaaring sangkot sa insidente.
“Maaaring maipa-deport pabalik ng Pilipinas si Guo, kung kakanselahin ang kanyang mga dokumento,” pahayag ni Sandoval.
Sinabi naman ni BI Commissioner Norman Tansingco na ayon sa kanilang impormasyon, hindi dumaan si Guo sa immigration nang lumabas ng Pilipinas.
Kasabay nito, iniutos ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Martes, Agosto 20, ang kanselasyon ng Philippine passport ni Guo. Ang memorandum ay ipinalabas ni Bersamin sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Justice (DOJ). Ayon kay Bersamin, “Dapat magsagawa ng ‘appropriate action’ para sa pagkansela ng mga pasaporte ni Guo at ng kanyang mga kamag-anak na sina Wesley Guo, Sheila Leal Guo, at Cassandra Li Ong, ang awtorisadong kinatawan ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na ni-raid sa Porac, Pampanga.”
“Ang DFA Secretary ay may kapangyarihang kanselahin ang passport sa interes ng pambansang seguridad. Sa ilalim ng parehong batas, isa sa mga grounds para sa pagkansela ng Philippine passport ay kapag ang korte ay naglabas ng order para dito dahil ang may-ari ay isang fugitive from justice,” dagdag ni Bersamin.
Matatandaang sa privilege speech ni Sen. Risa Hontiveros sa Senado noong Lunes, ibinunyag niya na si Guo ay umalis ng bansa patungong Kuala Lumpur, Malaysia noong Hulyo 18. Una nang nabunyag na si Guo at ang Chinese citizen na si Guo Hua Ping ay iisa dahil magkapareho ang kanilang mga fingerprints.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.