DAGUPAN CITY. Naaresto ang isang lalaki at ang kanyang legal na asawa matapos silang ituro ng mga awtoridad na nasa likod ng pagdukot at pagpatay sa 7 anyos na batang babae na natagpuang palutang-lutang at wala nang saplot sa karagatan ng Dagupan City, Pangasinan noong Agosto 15.
Ayon kay PLt. Col. Lawrence Keith Calub, officer-in-charge ng Dagupan City Police, ang mga suspek ay nahuli kinagabihan matapos matagpuan ang bangkay ng biktima sa baybayin ng Barangay Bonuan Gueset.
Base sa ulat ng mga saksi, nakita umano ang ama ng biktima at ang kanyang asawa habang dinudukot ang bata sa tapat ng kanilang bahay sa Asingan, Pangasinan noong Agosto 14. Ang biktima, na itinago sa pangalang Princess, ay isang Grade 2 pupil sa Barangay Bantog.
Sa follow-up investigation, natuklasan ng Pangasinan Police Provincial Office sa pamumuno ni P/Col. Arbel Merculo na ang suspek na ama ay nagrenta ng Toyota Fortuner mula sa isang negosyante sa Urdaneta City. Nakumpirma ang kanyang pagkakakilanlan matapos mamonitor ang sasakyan sa pamamagitan ng Global Positioning System (GPS) na nakakabit dito.
Nadiskubre rin na pinalitan ng pekeng plaka ang SUV na ginamit sa krimen. Nahuli ang mag-asawang suspek sa Sison, Pangasinan sa operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Dagupan City Police, Provincial Intelligence Unit, Regional Intelligence Unit, Urdaneta City Police, Asingan Police, at Sison Police.
Paghihiganti ang tinitingnang motibo ng pulisya sa pagpaslang sa bata.

Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.





