Ama na nagtanggol sa anak, pinatay sa baril

0
182

NOVELETA, Cavite. Patay sa baril ang isang ama matapos nitong ipagtanggol ang kanyang menor-de-edad na anak sa isang ka-barangay. Ang insidenteng ito ay naganap kamakalawa ng hapon sa Brgy. Salcedo 2, bayang ito sa Cavite.

Kinilala ang biktima bilang si Arjay Ambrad Depano, 30 taong gulang, at residente ng Tambakan, Brgy. Salcedo 2, Noveleta. Habang kinikilala ang suspek na si Joselito Sañosa Mejia, 45 taong gulang.

Sa ulat ng awtoridad, alas-5:15 ng hapon noong araw ng insidente nang maganap ang trahedya matapos ang pag-atake ng suspek sa anak ni Depano. Walang kapantay na galit ang naramdaman ng ama, at agad siyang umuwi para makipag-usap sa suspek at ayusin ang situwasyon.

Ngunit sa halip na mapayapa ang usapan, nauwi ito sa mainitang pagtatalo hanggang sa bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang biktima nang malapitan sa dibdib bago ito tumakas mula sa lugar.

Agad namang dinala si Depano sa St. Martin Hospital, subalit ayon sa mga doktor ay idineklarang dead-on-arrival matapos tamaan sa puso ng hindi pa tiyak na kalibre ng baril na ginamit ng suspek.

Samantala, patuloy rin ang paghahanap sa suspek upang mapanagot sa kanyang ginawang krimen.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.