Ama, pinatay ng anak sa Quezon

0
399

Sariaya, Quezon. Patay ang isang 74 anyos na drayber matapos pagsasaksakin ng kanyang anak dahil sa isang pagtatalo kamakalawa ng umaga, Abril 6 sa Sitio Balete Ilaya, Brgy. Sampaloc 2, sa bayang ito.

Kinilala ni Police BGeneral Jose Melencio Nartatez, direktor ng Police Regional Office Calabarzon ang biktima na si Federico Bocacao at ang suspek na anak ng biktima na si Alvin, 38 anyos na isang magsasaka.

Ayon sa testimonya ng 5 anyos na apo ng biktima, nakita niyang dumating ang suspek at nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa sa hindi nalamang isyu.

Ayon sa bata, sinugod ng kanyang tiyuhin ang kanyang lolo, pinagsasaksak ng ilang beses at tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Tumakas ang suspek habang dinala ang biktima sa Lucena United Doctors Hospital, kung saan idineklara itong dead on arrival bandang 11:23 ng umaga.

Kasalukuyang tinutugis ng mga tauhan ng Sariaya Municipal Police Station ang tumakas na suspek upang masampahan ng kasong parricide.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.