Among Chinese, inireklamo ng yaya sa attempted rape

0
335

SAN JUAN, Batangas. Nahaharap ngayon sa kasong kriminal ang isang Chinese national makaraang ireklamo ng kanyang dalagang baby sitter dahil sa diumano ay tangkang panggagahasa kamakalawa sa loob ng bahay ng suspek sa Brgy. Bataan, sa bayang ito sa Batangas.

Sa salaysay ng biktimang si alyas “Shane,” 26-anyo na dalaga, baby sitter, Hulyo 5 umano bandang 10:00 ng umaga, kasalukuyan siyang naghuhugas ng mga plato sa bahay ng suspek na si alyas “Chen,” 56-anyos na negosyante, nang tawagin siya nito at inutusang linisin ang bathroom ng suspek.

Habang naglilinis umano ang biktima, lumabas ang among Tsino at nagtungo sa garahe saka may kinuha umanong condom bago muling bumalik sa kaniyang kuwarto. Bigla umanong hinila ng suspek ang biktima papasok ng kuwarto at dito siya sinimulang molestiyahin.

Nagmamakaawa umano ang biktima at umiiyak subalit hindi umano siya pinakinggan ng suspek. At nang gagahasain na umano siya ay nakuha nitong magpumiglas at makatakas at magsumbong sa mga awtoridad.

Hindi pa nahuhuli ang suspek dahil late na umanong nakapagsampa ng kaso ang biktima.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.