Anak ng ex-mayor, 5 pa kinasuhan sa pagpatay sa coop president sa Laguna

0
746

Sta. Maria, Laguna. Sinampahan ng kasong kriminal ang anak ng dating alkalde ng bayang ito at limang iba pa kasama ang dalawang naunang naaresto dahil sa pagpatay sa ­pangulo ng isang koo­peratiba sa Brgy. Santiago, Sta. Maria, kahapon.

Ayon sa ulat ng pulisya, si Christened Jayson Cuento alias “Boss Jason”, anak ni ex-Santa Maria Mayor Joel Cuento at da­ting municipal councilor, ang itinuturong “mastermind” sa pagpatay kay Santa Maria Cooperative President Harrison Boy Diamante sa Brgy. Santiago, Sta. Maria.

Sa pagpatay kay Diamante, dalawang gunmen ang naaresto na kinilalang sina Edgardo Evangelio, 43, at Noel Buluran, alias “Alex Vargas”, habang pinaghahahanap pa ang tatlong iba pa.

Ayon kay Santa Maria Police chief Major Eviener Boiser, si Cuento at limang suspek ay kinasuhan na ng murder sa Provincial Prosecutor’s Office.

Kinilala bilang mga suspek sina Jonathan Bondad alias “Bojo,” driver ng L-300 van na ginamit ng mga suspek sa pamamaril; Rio Mahilon alias “James”, 35 anyos an itinuturong triggerman, at Marvin Casas alias “Baloy” o “Batay”, ang driver na madalas sumundo sa gunman na si Buluran mula Rizal papuntang Santa Maria.

Sinabi ni Boiser, sina Evangelio at Buluran ay nagbigay na ng kanilang extrajudicial confession na inasistihan ng abo­gado, at inaming inupahan sila ni Cuento saka isinagawa ang pagpatay kay Diamante kapalit ng P100,000.

Sina Evangelio at Buluran ay naaresto matapos ang isang maikling pakikipag engkwentro sa mga rumespondeng pulis habang tumatakas patungo sa Brgy. Talangka, Santa Maria makaraan nilang mapatay si Diamante sa Brgy. Santiago, Santa Maria, noong Enero 8 habang nakatakas ang tatlo nilang kasamahan.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.