Ama, pinatay ng anak

0
929

Alfonso, Cavite. Inaresto ang isang lalaki matapos patayin ang sariling ama sa bayang ito.

Natagpuan ng mga awtoridad ang bangkay ng 78 anyos na biktima sa tapat ng bahay ng bunsong anak nito sa Brgy. Luksuhin Ibaba, Alfonso noong Huwebes ng umaga.

Base sa inisyal na impormasyon na nakuha ng mga pulisya, bandang alas-4 ng madaling araw nang pumunta ang ama sa bahay ng anak upang doon magkape.

Noong una ay inakala ng mga awtoridad na sakit ang ikinamatay ng matanda, ayon kay Maj. Rommel Dimaala, hepe ng Alfonso Municipal Police Station (MPS).

“We assume na that is natural death dahil ini-insist ng suspek na may medical condition, na posibleng inatake sa puso, doon tuluyan bumagsak ulo ng kanyang ama,” ayon kay Dimaala.

Ngunit lumabas sa autopsy na may tama sa batok at kaliwang sentido ang biktima, kung kaya at nagduda ang pulisya, dagdap pa ni Dimaala.

“Nabasa ko sa death certificate na pinirmahan ng ating medico legal officer, blunt force trauma to the head,” ayon sa kanya.

Agad nagsagawa ng mas malalim na imbestigasyon ang mga tauhan ng Alfonso MPS at binalikan ang crime scene, kung saan nakuha nila ang palakol na may bakas ng dugo. Nakita rin ang shorts ng suspek na may bahis ng dugo.

Dahil sa mga nakalap na ebidensya, tuluyan nang umamin ang suspek sa krimen.

“‘Di ko po talaga intensiyon gawin sa tatay ko… para pong may uma-ano sa isip ko na bumubulong,” ayon sa suspek.

Problema sa pera ang tinitingnan ng pulisya na posibleng motibo sa krimen dahil hindi maipaliwanag ng suspek kung saan napunta ang pera ng ama.

Ang suspek lang ang may access sa bank account ng biktima, batay sa pahayag ng isa sa mga kapatid niya.

Labis naman umanong nagsisisi ang suspek sa nagawa sa ama. Desidido naman ang mga kapatid ng suspek na ituloy ang kaso. 

“Kasi po masakit man po sa amin, tatay po namin ginanon niya,” ayon sa kapatid ng suspek.

Pinag-aaralan din ng Alfonso police na isailalim sa drug test at psychiatric evaluation ang suspek, na kinasuhan na ng parricide.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.