Anak pinatay ng ama dahil sa agawan sa mikropono

0
236

Mulanay, Quezon. Pinagtataga hanggang sa mapatay ng kanyang ama ang isang 27anyos na anak dahil sa pag-aagawan sa mikropono ng videoke sa Sitio Pantay, Brgy. Ibabang Yuni sa ba­yang ito kamakalawa ng gabi.

Ang biktima na nagtamo ng malalalim na taga sa iba’t ibang parte ng katawan ay kinilalang si Reynante Tolda, magsasaka habang tinutugis ang suspek na tatay nito na si Wilfredo, 48 anyos, pawang residente ng nabanggit na lugar.

Ayon kay Police MSg. Arvyn Resullar, officer on case, bago naganap ang insidente, bandang 7:00 ng gabi ay nag-iinuman ang mag-ama at nang tumugtog ang kantang “Kung Sakaling Ikaw ay Lalayo” sa videoke ay magkasabay na hinawakan ng mga ito ang mikropono hanggang sa sila ay magtalo. 

Dumayo ang suspek at umalis sa inuman at nagbanta na may masamang mangyayari sa kanyang pagbabalik. 

Makalipas ang kalahating oras, bumalik ang suspek ay umupo sa dati nitong pwesto.

Nang tumayo ang biktima upang kantahin ang pinag aagawang awitin, lumapit ang suspek at inundayan ng sunud-sunod na taga ang anak hanggang mamatay.

Kasalukuyang tinutugis ng pulisya ang suspek na nakatakdang humarap sa kasong parricide.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.