Andrés Bonifacio: Bayani ng bayan, biktima ng kapangyarihan

0
900

Ginugunita ngayong araw, Nobyembre 30, ang kapanganakan ni Andrés Bonifacio, isa sa pinakadakilang bayani ng bansa at Ama ng Rebolusyong Pilipino. Ang araw na ito ay pagkakataon para ipagdiwang ang kanyang buhay, ang kanyang di-matatawarang tapang, at ang dakilang pagmamahal sa bayan, at hindi lamang bilang pag-alala sa kanyang kamatayan. Ito ay paalala rin ng kanyang inspirasyon, sakripisyo, at mga aral na patuloy na humuhubog sa diwa at pagkakakilanlan ng bawat Pilipino.

Si Andrés Bonifacio at ang kanyang kapatid na si Procopio, ay binitay sa Cavite. Ang kanilang kamatayan ay nananatiling isang kahiya-hiyang bahagi ng kasaysayan ng bansa. Hindi tulad ng maraming bayani na namatay sa kamay ng mga dayuhan, si Bonifacio ay pinatay ng kanyang sariling kababayan, ng mga lalaking nasilaw sa kasakiman at kapangyarihan.

Noong Marso 22, 1897, ginanap ang Tejeros Convention, isang mahalagang pagpupulong ng Katipunan sa Tejeros, Cavite, na layuning ayusin ang pamumuno sa rebolusyon. Dito, naging kontrobersyal ang posisyon ni Andrés Bonifacio dahil sa kanyang kakulangan sa pormal na edukasyon kumpara sa ibang lider, tulad ni Emilio Aguinaldo at iba pang ilustrado. Bagaman siya ang Supremo ng Katipunan at tunay na naglingkod sa kalayaan ng bansa, sinilip ang kanyang kakayahan sa pamumuno dahil sa antas ng kanyang pag-aaral.

Pagkatapos nito, noong Mayo 10, 1897, sa Maragondon, Cavite, pinatay si Bonifacio ng mga lider at tauhan ni Aguinaldo. Ilan dito sina Mariano Noriel, Agapito Bonzón, Pio del Pilar, at iba pa. Dinakip siya sa utos ng rebolusyonaryong pamahalaan sa Maynila. Ang taong buong puso naglingkod sa Katipunan at sa kalayaan ng bansa ay inakusahan ng sedisyon at pagtataksil, mga paratang na hinubog ng inggit, ambisyon, at sakim na pagnanasa sa kapangyarihan. Isa ito sa mga nakakahiyang kabanata sa kasaysayan ng Pilipinas, kung saan ang isang tunay na bayani ay pinahirapan at pinatay ng kapwa niya mga Pilipino.

Pagkatapos ng kanyang kamatayan, inilibing si Bonifacio sa isang liblib na kagubatan sa Cavite, walang tanda, walang seremonya. Ang eksaktong lokasyon ng kanyang libingan ay nananatiling misteryo, isang tahimik na patunay ng kalupitan at kawalang-katarungan na kanyang tiniis. Sa paglipas ng panahon, hinanap ang pinaglibingan sa pagpapakita ng hangarin ng bansa na magbigay galang sa kanya. Sa kabila ng lahat, ang kanyang libingan ay nananatiling simbolo ng kahihiyan at pasakit sa kung paano itinuring ng mga sakim ang isang bayani.

Hindi kailan man matitinag ang buhay at adhikain ni Bonifacio sa anino ng kanyang kamatayan. Nagbibigay ito inspirasyon sa maraming henerasyon. Alam niya na ang tunay na pagmamahal sa bayan ay nangangailangan ng pagkakaisa, aksyon, at personal na sakripisyo. Tulad ng kanyang isinulat, “Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya sa pagkadalisay at pagkadakila, gaya ng pag‑ibig sa tinubuang lupa.” Walang mas dakilang pag-ibig kaysa sa wagas at dakilang pagmamahal sa sariling bayan.

Sa ngayon, ang paggunita kay Bonifacio ay hindi lamang tungkol sa pagdadalamhati sa kanyang kamatayan. Ito ay tungkol sa paggising ng diwa ng Pilipino sa katapatan, tapang, at integridad. Tungkol ito sa mga aral tungkol sa partisanship at panganib ng kasakiman. Umaasa ang bayan na ang sakripisyo ng mga bayani gaya ni Bonifacio ay hindi malimot o masayang.

Parangalan natin siya hindi lamang sa kanyang monumento at seremonya, kundi sa araw araw nating buhay sa pagpapatibay ng pagkakaisa, at sa paninindigan para sa katarungan at dangal ng bansa. Ang kwento ni Andrés Bonifacio ay isang panawagan. Paalala na ating pagnilayan, at isabuhay ang tapang, dignidad at katapatan.

Itinuturo ng katwiran na tayo’y magkaisang-loób, magkaisang-isip, at nang tayo’y magkalakas na maihanap ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan. – Gat. Andres de Castro Bonifacio

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.