Ang bakuna ay hindi lamang tungkol sa iyo

0
297

Pumipila ang mga tao para mabakunahan laban sa COVID-19 sa pag asang ipagpatuloy ang normal na buhay. Gayunpaman, hindi lahat ay interesadong magpabakuna. Kahit na ang bilang ng mga nag-aalangan sa bakuna ay lumiit pagkatapos ng tatlong araw na National Vaccination Days, medyo mataas pa rin ang bilang ng mga ayaw magpabakuna.

Hindi isang monolith ang mga nagdududa sa Covid-19 vaccine kundi isang diverse na grupo na maraming dahilan para umiwas sa bakuna.

Nag-aalala ang iba na ang bakuna sa COVID-19 ay hindi ligtas o may masamang epekto kaya hindi sulit na sumugal sa panganib. Iniisip ng iba na mababa ang tsansa na magkaroon ng COVID kaya bakit mag-abala pang magpabakuna? Ang ilan naman ay tutol sa government intervention at ang tingin nila sa pagpapa bakuna ay isang pagsuko at labag daw ito sa personal freedom nila. Ang maliit na bilang ay kontra lang talaga sa lahat ng bakuna. Bukod pa dito ang porsyento ng may trypanophobia o malubhang takot sa medical procedures na may injections or hypodermic needles.

Dahil sa katotohanan na ang mga tao ay may iba’t ibang dahilan sa hindi pagpapa bakuna, magiging mas mahirap abutin ang 100%  ng bakunadong populasyon. Nakakaapekto ito sa ating lahat. Kung walang sapat na bilang ng mga taong nabakunahan, hindi natin maaabot ang “herd immunity.” Nangangahulugan ito na ang pandemya ay maaaring magpatuloy ng walang katapusan.

Darating tayo sa punto na magiging mahirap ang buhay para sa mga hindi bakunado. Sa Australia, ang mga hindi nabakunahan ay maaari lang lumabas para sa pagtatrabaho o pagbili ng pagkain. Sa Slovakia, Greece at Czech Republic, ang mga walang bakuna ay bawal ng pumunta sa mga indoor spaces kagaya ng restaurants, sinehan, museum at gym, kahit na negatibo sila sa COVID-19. Ang Germany at Israel ay kumikilos na upang gawing mandatory ang bakuna sa lahat – bata o matanda. Sa Lithuania,  ang mga edad 12 pataas ay hihingan muna ng Covid immunity certificates bago makapasok sa restaurant, cafe, shopping malls, cinemas, beauty salons at iba pang public indoor na lugar.

Sa Pilipinas kailan lang ay nagbaba ng memorandum ang IATF-MEID na bawal ng pumasok sa mga public at private offices ang mga empleyadong walang bakuna.

Ang walang katapusang pandemya ay pumipigil sa layunin ng lahat tulad ng muling pagbubukas ng mga negosyo at pagpapalakas sa ating nanghihingalong ekonomiya. Higit sa lahat, ang pagbabalik ng ating mga anak sa normal na face-to-face classes.

Mahalaga para sa lahat ang bakuna. Hindi lamang ito tungkol sa iyo. Magkakasama tayo dito.

Author profile
Tutubi News Magazine Team

The Tutubi News Magazine Team of Editors.