Ang “green thumb gardening” ay isang alamat lamang

0
1007

Ang pagkakaroon ng isang malusog na sanggol ang hangad ng lahat kaya’t mahalaga ang isang malusog na ina na syang magdadala ng siyam na buwan sa sinapupunan. Ganon din ang isang binhi, mahalaga ang malusog at matabang lupa para magkaroon ng magandang ani. 

Sa aking karanasan sa bukid, may mga bagay na hindi natin nabibigyang pansin dahil sa ito’y mga nakakalat at basura lamang kung ituring. Maruming tingnan, may amoy at di kaaya ayang tingnan. Nakadidiri subalit itong mga ito ay  mayroon ding pakinabang. Ang mga tuyong dahon, nabubulok na balat ng prutas, at dumi ng hayop ay may  mahalagang ginagampanan para sa isang matabang lupa. 

Ang mga basurang ito ay dumadaan sa isang proseso na kung tawagin ay dekomposisyon. Kapag na nabulok na ang mga ito, mainam silang ang gamiting pataba sa ating mga halaman at pananim.

Huwag natin paniwalaan ang kalimitang naririnig na kaya natuyo o hindi nagpatuloy sa paglago o namatay ang ating itinanim ay dahil wala tayong green thumb.

Ang green thumb gardening ay isang alamat lamang. Walang katotohanan ito sa aking pananaw. Pagdating sa paghahalaman ay walang likas na talino, kababalaghan o milagro. Kahit sino ay maaaring magtanim sa tamang kondisyon at panahon.

Lahat ng halamang itatanim ng ating mga kamay ay magiging mayabong kung may sapat tayong kaalaman sa kahalagahan ng uri ng  lupa at halaman na ating itatanim maging ito man ay ornamental, gulayin, o namumungang kahoy.

Ang actual na karanasan, testimonya ng ibang tao, at mga babasahin tungkol sa agrikultura ay mahalaga upang magkaroon ng sapat na kaalaman sa paghahalaman.

Ngayong pandemic ay may sapat tayong oras para palawakin ang ating kaalaman. Magbasa, manood at mag sariling eksperimento kahit sa mga paso, sako o recycled containers. Kailangan natin ang ibayong sipag sa pagtatanim sapagkat tayo’y nasa panahon ng krisis.

Author profile
Joel Frago

Si Joel Frago ay isang rehistradong Nurse at Midwife. Siya ay isa ring Pastor.  Naging magsasaka siya mula noong 2004 at nagkamit ng mga pagkilala at prangal sa larangan ng farming.  Pinarangalan siya bilang isa sa Ten Outstanding Pableño noong 2018.  Siya ang nataguriang Kusinero de Bukid ng Forest Wood Garden, isang agritourism destination na dinrayo ng mga turista mula sa loob at labas ng bansa.