Ang magpabakuna ng dahil sa ‘yo

0
853

Mistulang sci-fi movie ang mga pangyayari nitong mga huling araw. Naglalaro sa isip ko ang malupit na eksenang kumakatok ang naka full battle gear na mga sundalo sa bahay bahay at sinosona ang mga walang bakuna. Iipunin sila sa isang dungeon at kakalimutan na. 

Kumikislap din sa aking imahinasyon ang mala-apocalypse na mga pangyayari. Natalo ng Covid-19 ang mga programa at pagsisikap ng gobyerno. Halos naubos ang tao. Wala ng production ng pagkain at gamot. Nagpapatayan ang mga survivor sa isang pirasong inaamag na pandesal.

Alam ba natin na ang mga malalagim na posibilidad na ito ang iniiwasang mangyari ng ating mga pamahalaan? Ito mismo ang malaking takot kung kaya nagkukumahog sila at nag aaksaya ng salapi, isip at pagod upang sugpuin ang Covid-19.

Tingnan ang isang timeline ng mga pandemya sa link sa ibaba, na sa pananalasa ng populasyon ng tao, ay nagpabago ng kasaysayan.

https://www.history.com/topics/middle-ages/pandemics-timeline

Sa nakikitang posibleng overlapping ng Delta at Omicron variants, lalong tumapang ang IATF. Hindi na pwedeng lumabas ang mga walang bakuna. Bawal na silang sumakay sa public transport at hindi na pwedeng pumasok sa malls, banks, restos, gyms at iba pang public o private facility.

Tama ba ito o mali? Nahahati ang opinyon ng publiko sa “No Vax, No Labas” policy na pinairal ng gobyerno mula noong Lunes.

Tama. Ito ang tindig ko habang marami pang ayaw magpabakuna.  Dahil wala silang proteksyon, kung mahahawa sila ay full strength ang tama ng virus. Pwede silang maospital dahil sa severe illness na maaari nilang ikamatay. Sa report ng Department of Health noong Enero 2, 2022, 90% ng Covid patients sa mga ospital ay walang bakuna.

Bukod dito, malaki ang posibilidad na mahawahan ng mga hindi bakunado ang mga batang wala pang bakuna at ang mga fully vaccinated na may comorbidities.

Sampung taon tayong umawit ng Lupang Hinirang mula Grade one hanggang high school. Kung nagtatrabaho ka sa gobyerno, tuwing Lunes ay inaawit mo pa rin ito sa saliw ng recorded version nito.

Gayunpaman, madalas nating kantahin ito mula sa memorya, at kakaunti ang nalalaman natin tungkol sa kahulugan at kasaysayan nito. Marami pa rin ang tumutukoy sa pambansang awit na “Bayang Magiliw.”

Sa pag awit nito ay nararamdaman sana natin ang pagmamalasakit na mayroon tayo bilang mga Pilipino para sa ating bansang Pilipinas. Sa kantang ito ay sinasabi nating handa tayong mag alay ng ating buhay maprotektahan lamang ang lupang ating sinilangan.

“Ang mamatay ng dahil sa ‘yo.” Pero hindi natin kayang magpaturok ng bakuna kahit mas masakit pa dito ang kagat ng langgam.

Ang mensahe ng Lupang Hinirang ay tinatalo ni Maritess at Marisol. Nagpapadala tayo sa tsismis at sulsol na nakakamatay ang bakuna. Na magiging zombie ka pagkatapos mong magpa jab. Nakalimutan nating mag obserba kung may namatay na bang kapitbahay na nagpabakuna. Nakakita na ba tayo ng zombie na namamasyal sa palengke?

Ang laban ng mga bansa sa Covid-19 ay isang giyera. Ang mamamayan ay inaasahang kikilos at mag aambag ng kagitingan upang mapagwagian ang digmaang ito. Hindi natin kailangang mamatay. Magpabakuna ka lang ay dakilang ambag na sa pandaigdigang digmaan laban sa virus.

Ang magpabakuna ng dahil sa iyo. Ito lamang sa ngayon ang hinihingi sa dugo at pusong makabayan na likas sa bawat Pilipino.

Salot. Oil on Canvas, 2020. Antipas Delotavo, a Filipino social realist visual artist.
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.