Ang pag utang sa kaibigan ay isang bad idea

0
875

Pag usapan natin ang mga kakatwang katotohanan sa buhay ng mga negosyante. Likas sa ating ang maging palakaibigan. Ang magandang pakisama ay isang mahalagang bahagi ng ating puhunan bukod sa dignidad at kredibilidad.

Habang tinatahak natin ang landas ng pagnenegosyo, nagkakaroon tayo ng maraming kaibigan. Lumalaki ang tropa na nakakasama natin sa masasayang inuman. Bilang mga kaibigan, pinapalakas nila ang sense of belonging natin. Nakakadagdag sila ng saya at nakakagaan sa stressful na buhay negosyante. 

Ang malungkot na bahagi ay hindi lahat ng kaibigan natin ay meant to be. Sa sampung kaibigan na ating pakikisamahan ng lubos, napakaganda na kung ang lima doon ay maging forever friend natin. At kagaya ng maraming dahilan ng paghihiwalay – pera ang dahilan.

Hindi maiiwasan na kung minsan ay may katropa tayong nagigipit at mangungutang. Bilang kaibigan, normal na tumulong tayo. Hindi lahat pero merong ilan na sa bandang huli ay tayo pa ang parang lumalabas na masama. 

Ang pag utang ng pera ay pwedeng makaapekto kahit sa pinakamalinis na pagkakaibigan. Maraming emosyon kasi ang naglalaro kapag nakikipag ugnayan tayo sa isang taong pinagkakautangan natin ng pera. Una, magiging awkward na ang mga susunod na interaction natin sa kanya, and vice versa. Sa madaling salita, ang anggulo sa pera sa isang relasyon ay pwedeng makasira na kung minsan ay irreversible na. 

Kung ang kaibigan na inutangan natin ay siya namang magipit sa pera, maaaring mapalagay tayo sa sitwasyon na hindi natin sila kayang tulungan pabalik. Hindi imposible na pagkatapos nila tayong pautangin ay biglang sila naman ang magkaproblema. Kung maniningil sila at hindi tayo makabayad, baka magkaroon tayo ng guilt feeling dahil sa halip na nakatulong tayo pabalik ay nakadagdag pa tayo sa problema. Kasunod nito ay lalayuan na natin sila dala ng hiya o kawalan ng hiya.

Ang malaking kaibahan ng pag utang sa isang kaibigan ay zero interest ito at walang collateral. Ang mga bangko at lending institutions ay palaging humihingi ng secure loan na kung sakaling hindi ka makabayad ay mayroon silang babatakin. Sa utangan sa pagitan ng magkaibigan, ang nakaprenda ay ang mismong priceless na friendship.

Normal lang na bumalik balik sa bangko pagkatapos mong mangutang. Pero ang isang kaibigan inutangan, tuwing magkikita kayo ay laging may “feeling of indebtedness.” Pwede nating sabihin ng isa o dalawang beses na sinisikap nating mag ipon para makabayad pero sa pangatlo ay baka hindi na credible ang mga pangakong ganito. Sa bandang huli ay iiwas na tayo hanggang sa maputol ang pagkakaibigan.

Pera mo ang ibibigay mo o hindi ibibigay. Maging maingat at huwag mahihiyang magpaliwanag kung bakit hindi ka pwedeng magpahiram ng pera sa isang kaibigan. Makakatulong ito upang manatiling buo ang magandang samahan na tatagal hanggang sa pagtanda.

Before borrowing money from a friend, decide which you need most. – American Proverb

Author profile
myrone zabat Jr
Marius Myrone S Zabat Jr

Si Marius Myrone S Zabat ay naging presidente ng San Pablo Amateur Radio Club (1996-1997), JCI San Pablo (1997-1998), at San Pablo Jaycees Senate (2001-2003). General Manager din siya ng  Milmar Distillery at Tierra De Oro Resort-Hotel.