Ang Pasko ay sumabit

0
513

December, panahon ng Christmas lights, parol, regalo, karoling at sorpresa! Pero hindi yung surprise na may ham o spaghetti set, kundi yung nakakadismayang, “ay inang, waley!” Opo, alam na ng lahat ng meses na ang inaasam na Noche Buena Package ng bayan ay parang magic trick na bigla na lang naglaho sa wish list ng mga dapat makatanggap.

Marami din ang nanabik na sa Pamaskong Handog, nangarap ng kaunting pagkain sa Pasko. Pero sa halip na makatanggap ng handog, nakatanggap sila ng mga paliwanag at katuwiran kung bakit wala. Sorry daw, hindi puwedeng kunin sa GAD budget, baka maubos ang fairy dust! ” Beh, hindi GADable ang pagkain n’yo sa Pasko ha.” Parang proud pa ang mga lekat.

Nakakatawa? O nakaka-frustrate? Parang pareho. Nakakatuwa kasi parang teleserye, may mga twist na hindi mo inaasahan. May sagutan ng Facebook post na parang balagtasan. Nakaka-frustrate kasi, sa dami ng pamilya na umaasa sa munting tulong, ang Noche Buena ay naging Harry Potter, “now you see it, now you don’t!”

Kung ang mga paliwanag sana ay maigigisa sa bawang at sibuyas at pwedeng sahugan ng dalawang hotdog o isang lata ng Argentina corned beef (baka naman) na inutang sa tindahan, saka ibabahog sa malabsak na pastang amoy-usok ng kalan de kahoy, baka kahit paano’y magkakalasa rin ang Pasko para sa mga minimum wage earner.

Kung ang mga lohika sana ay mailalaga sa pineapple juice na may brown sugar, kanela, sangke, klabong pako at pamintang buo, saka isasalang sa katamtamang apoy hanggang lumambot ang katotohanan at iipitin sa dalawang hiwa ng budget tasty ng bayan, baka sakaling sumarap ang umaga ng mga ateng at kuyang. Yung mga nakatira sa mga laylayan, sa tabing-ilog na malamig ang hangin, sa loob ng niyugan na malayo sa tindahan. Naging ulam sana ang paliwanag at katuwiran na hindi puro batas, hindi puro numero, hindi “mali ang hugot ng pondo,” kundi may kaunti sanang asin ng malasakit at isang dakot ng pang-unawa.

Baka sakaling, kahit papaano, sumarap ang Pasko hindi dahil sa handa, kundi dahil may nagparamdam na hindi sila nakalimutan.

Nakita sana ng mga iniluklok natin ang mga aral. Na kung ang pamahalaan ay may plano, siguraduhing hindi ito mawala sa ere. Hindi pwedeng ang Noche Buena package ay parang multo. Excited ang lahat pero sa bandang huli ay mapapa “Oh my GAD ka pala.” Sa susunod na taon, sana may Noche Buena na hindi lang pangako at pangarap. At kung wala pa rin, ayos lang dahil at least makakapag-share tayo ng memes.

Mandin ay ito ang pinakamahalagang aral para sa ating lahat. Pangarapin nating maging independent sa mga pulitiko. Yung hindi na tayo pipila, tatanghod at yuyuko sa kanilang harapan para sa mga pangunahin nating pangangailangan. Yung makakabili tayo ng pagkaing pamasko na galing sa sarili nating kita.

Gawin nating Christmas wish na nawa ay magkaroon ng maraming trabahong tunay na nakabubuhay sa San Pablo. Pandayin natin ang panahon na kahit high school graduate lang si Tatay at si Inay ay kaya nilang bumuhay at magpaaral ng mga anak. Pag nangyari na ito, kahit wala sila, kahit hindi pasko ay maligaya at masaganang ang buhay natin bawat araw.

I-manifest natin ‘yan. Ilaban natin yan!

Whatsoever you do to the least of my brethren, that you do unto me. – Matthew 25:40

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.