Ang tamang edad ng pagbubukid ay ngayon na

0
558

Marami ang nangangarap na kapag nagretiro ay makapag simula ng farming. Masarap kasing magtanim at isa iyan sa inilagay ng Lord sa puso natin para tayo ay sumaya. Kaya naman kalimitan ay ito ang pinagkakaabalahan ng retired persons bilang libangan o isang seryosong negosyo.

Sa mga nagiging bisita namin ni Myrna sa bukid, madalas naming marinig  komento na “mapalad kami  at  maaga namin natuklasan ang pagpa-farming.” Samantalang sila daw ay  maghihintay pang  mag retiro bago makapagsimula sa pagbubukid. 

Kailan nga ba magandang simulan farming? Bago mag retiro o pagkatapos mag retiro. Sa aming personal na karanasan, gayundin sa ilang nakakausap,hindi madaling magbukid. Kailangan dito ang panahon at pera. Hindi biro ang magsaka  o magpalakad ng isang bukirin dahil masyado itong labor intensive. 

Kung hihintayin natin na tayo ay magretiro bago tayo ay mag ayos ng bukirin ay baka maubos lang ang ating perang pinagretiruhan bago pa pakinabangan ang ating mga tanim. Ito ay sapagkat hindi pwedeng  umasa lamang sa ulan habang dahan dahan natutuyot ang bulsa sa pagpapatubig habang patuloy na tumataas ang presyo ng krudo. Hindi natatapos ang trabaho sa bukid. Sa panahon ng tag ulan ang pagtubo ng damo ay parang singbilis ng pagtubo ng bigote. Kailangan ang malimit na pagpapatabas. Bukod fito ay napakarami pang ibang gawain. 

Ang tamang paghahanda sa pagbubukid ay habang tayo ay may lakas pa at kumikita pa ng maayos. Habang tayo ay may madudukot pa ay simulan ng asikasuhin ang bukid, kung may bukid tayo.

Ang aking payo ay maging maingat tayo at huwag masilaw sa malaking kikitain kagaya ng pagi invest. Marami na ang nalugmok at nawalan ng milyon dahil dito. Hindi masamang mag invest ngunit kailangan ay maging mapanuri tayo. Huwag maging excited agad at padalos dalos sa pagdedesisyon upang ang pera na ating pinaghirapan ay hindi mauwi sa wala. 

Kaya’t habang may maayos na trabaho ay magandang magplano kung paano makakaatikha ng bukirin. Kung mayroon ng bukirin na minana ay pag aralan na  kung paano ito pangangasiwaan. Ang mga puno ay kalimitan namumunga sa loob ng 3-5 taon. Kaya kung itinanim natin ito sa edad nating 50, bago tayo umabot ng 60 ay magha-harvest  na tayo at kikita na. Tamang tama ito sa panahon na handa na tayong mag retiro. 

Isaalang-alang ang bawat araw ng ating  buhay at ang pinakamahusay ay ang magplano ng maaga. 

Kaya tara na at  magtanim!. 

Word of the week

Ang tao ang nagpaplano, ngunit nasa Panginoon ang kaganapan nito. – Kawikaan 16:9

Author profile
Joel Frago

Si Joel Frago ay isang rehistradong Nurse at Midwife. Siya ay isa ring Pastor.  Naging magsasaka siya mula noong 2004 at nagkamit ng mga pagkilala at prangal sa larangan ng farming.  Pinarangalan siya bilang isa sa Ten Outstanding Pableño noong 2018.  Siya ang nataguriang Kusinero de Bukid ng Forest Wood Garden, isang agritourism destination na dinrayo ng mga turista mula sa loob at labas ng bansa.