Ang tanging paraan para manalo sa nuclear war ay huwag maglaro nito

0
210

“Anyone who tries to interfere with us, or even more so, to create threats for our country and our people, must know that Russia’s response will be immediate and will lead you to such consequences as you have never before experienced in your history. We are ready for any turn of events,” ito ang babala ni Russian President Vladimir Putin bago umatake sa Ukraine.

Bukod pa dito ang pahaging niya sa posibilidad na gumamit ng nuclear weapons.

Ang isyu ng giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia ay may masalimuot na historical background at mga dahilan. Ang resulta na nakikita natin ngayon ay isang interplay ng maraming uri ng impluwensya.

Nag iisa ngayon ang Ukraine laban sa Russia. Hindi daw kasi pwedeng pumasok ang North Atlantic Treaty Organization o Atlantic Alliance (NATO) sa Ukraine dahil hindi ito miyembro ng alyansa. Ang NATO ay isang international military organization na may misyon na garantiyahan ang kalayaan at seguridad ng mga bansang miyembro nito sa pamamagitan ng pamamaraang pulitika at militar.

Hindi rin member ng NATO ang Iraq at Afghanistan pero pumasok sila sa mga bansang ito Noong 2001, nakisawsaw sila sa Afghanistan. Kakaalis lang nila doon noong 2021.

Bilang self-appointed na “pulis sa mundo”, ang US na inaakusahan at karaniwang nakikitang nakikialam sa internal affairs ng ibang bansa sa ilalim ng iba’t ibang dahilan, kabilang ang mga usapin sa loob at paligid ng Russia at China. Ang America ay superpower pa rin. Ngunit sa harap ng Russia, ang US ay hindi almighty.

Nagsusumamo si Ukrain President Volodymyr Zelensky sa malalakas na bansa na tulungan sila. Nag iimbita siya na magsipunta ang matatapang sa Ukraine at samahan silang makipag giyera. Walang pumupunta. Armas lang ang dumadating. Ang iba pa ay ipinadala para ma-testing.

Walang super power nation ang nangangahas na tumuntong sa Ukraine. Dahil ang mga peligro sa salungatan sa pagitan ng dalawang nuclear-armed powers ay nakakakilabot. Sino mang makatuwirang lider ay dapat umiwas dito. Nuclear war is ‘one tantrum away,’ ayon kay 2017 Nobel Prize Laureate Beatrice Fihn.

Ang tanging paraan para manalo sa nuclear war ay huwag maglaro nito.

Ngayon ko nakikita na sa kabila ng bravado ng mga super countries sa kakayahan at kapasidad nila sa pananalapi, technology at warfare ay meron pa palang mangangahas na maghamon at kumasa na nga. 

Iniwan ni Sun Tzu  sa mundo ang konsepto ng “work smarter, not harder,” dahil hinihikayat niya ang paggamit ng pilosopiya, katalinuhan, at maingat na pagpaplano upang maiwasan ang hindi kailangan at padalos-dalos na pisikal na alitan sa larangan ng digmaan. “The greatest victory is that which requires no battle,” ito ang bilin niya.

Marahil dapat ding magnilay ang mga bosing na bansa na ang tunay na seguridad ay dapat na komprehensibo at sustainable. Na sa panahon ng pag aayos ng conflict, ang mga lehitimong concerns ng lahat ng partido ay dapat igalang at tugunan. At higit sa lahat, tingnan din kung paano ire-reshape ang pagtrato sa international politics.

Third millineum na. Panahon na upang umunlad ang mga lider sa lahat ng aspeto at sana ay ngayon na ito magsimula.

Isang malaking pagsabog ang nakita sa Kyiv noong Pebrero 28, 2022. (Screencapture/Twitter).
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.