Angking tapang at dunong, sagot sa modernong pananakop

0
670

Kung walang magpapa-bully, walang mambu-bully, ayon sa konseptong napalawig mula sa kaisipan ni Jose Rizal. Ang mga Kastila, mga Amerikano, at mga Hapon ay may kasaysayan ng makalumang pambu-bully o pagmamaltrato at pagmamalabis laban sa mga Pilipino sa paraang mapanakop. Ngunit sa makabagong panahon, hindi alintana na mapanakop na rin ang mga galaw ng Tsina sa Pilipinas at iba pang bansa.

Walang press freedom sa Tsina, sapat para mapaniwala ang mga Tsino na inaapi sila ng iba. Sila ngayon ang numero unong agresibo sa mapansakop na aktibidad. Binabalasubas na nila ang teritoryo ng Pilipinas sa pagpapalawak nila ng kapangyarihang pang ekonomiya at pang militar sa West Philippine Sea. Sakop daw ito ng South China Sea, isang lantarang pambabastos sa UNCLOS at sa desisyon ng tribunal nito na pumabor naman sa Pilipinas. Dagdag pa sa problema ang kawalan o hindi malinaw na independent foreign policy dahil sumobra sa pakikipagkaibigan sa Tsina si Pangulong Rodrigo Duterte. Ayon sa Saligang Batas, ang Estado ay dapat mag obserba ng amity (tamang timpla ng pakikipagkaibigan) sa lahat ng bansa. Kung bakit sobrang paborable ang administrasyon niya sa Tsina ay walang nakakaalam. Paano na ang ugnayan sa ibang bansa?

Hindi naman pakikinggan ng gobyerno ni Xi Jinping ang malayang mamamayan ng Pilipinas kundi yung counterpart niya lang na lider. Ganoon din ang gagawin at ginagawa ng Chinese fishers at ng Haijing. Sa kasawiang palad, nalalahat o generalized na mapang sakop ang Mainland China at mga tao nito. Nanganganak naman ng samo’t sari ngunit lehitimong usapin sa kagutuman, agrikultura, at mismong soberanya ng Pilipinas ang agresibong pamamalakad ni Xi. Kung may barumbadong tugon man kamakailan si Pangulong Duterte, huli na ang lahat dahil malinaw ang defeatism o talunan na mentalidad ng Pangulo sa pakikisalamuha kay Xi. Patuloy na lalabanan sa mga pahina ng dyaryo at sa pag-ere ng opinyon sa TV, radyo, at social media ang Tsina, ngunit hindi basta-basta maisasalba ng malayang Pilipino ang soberanya ng bansa kung talo na agad sa palakad ng nagpapaapi at nagpapalokong administrasyong Duterte. 

Kilala mang masisipag at masasayahin sa mundo, ang mga Pilipino’y nasa bingit ng alanganin sa dusa sa ekonomiya. Palala ng palala ang datos sa kagutuman at kawalan ng maayos na hanap-buhay ang mga tao. Naungusan ng mga karatig-bansa ang Pilipinas sa pagnenegosyo, pagpapaunlad, at reporma sa pamamalakad ng pamahalaan, dahilan upang umutang nang umutang ang bansa mairaos lang ang mga programa sa ekonomiya at pagpapaunlad. Pinakahuling ebidensya ng pagiging kulelat ay kitang kita sa government’s COVID-19 response (o kawalan nito). Huling nakatanggap ng bakuna, huling nagsara ng border, huling huli sa siyensya at medisina. Pati ang pananalapi sa pampublikong kalusugan, pinadapa ng tila walang kasanayan na mga tao sa DOH at IATF. Ang mga pag-ere sa gabi at hatinggabi ni Presidente Duterte ay tinututulan ng communication scholars at bandang huli, napakaliit ng kontribusyon ng mga briefing niya kumpara sa kalituhan sa implementasyon na dulot ng kanyang kawalan ng mataas na pamantayan sa komunikasyon sa madlang humaharap sa napakalalang kagutuman, pagkakasakit, at pagkamatay.

Bunsod ng 911 attacks, pinaigting ng Estados Unidos ang kampanya laban sa terorismo. Nagsunuran dito ang iba’t ibang mga bansa, kabilang ang Pilipinas. Naging madali sa mga mamamayan ang maunawaan ang kahalagahan ng anti-terror activities ng militar at pulisya. Naramdaman din ng security guards ng mga pribadong institusyon ang kooperasyon ng mga tao sa pangangapkap at limitadong paghahalughog ng kanilang pribadong gamit bago papasukin. Ngunit dumating ang panahon ng complacency at maraming bala ang nasayang, dugong dumanak, at pamilyang nasira. Upang hindi maulit ang mga ito, minarapat ng Kongreso ang pagpapasa ng Anti-Terrorism Act (ATA) of 2020 at dalawampung taon matapos ang pinakamalalang pag-atake ng Al-Qaeda, ang ATA ay inaasahang magpapatahan sa mga terorista at mga kahanay na organisasyon na maghasik ng lagim. May problemang legal: May dalawang probisyon ang ATA na labag sa Saligang Batas sa bagong deklarasyon ng Korte Suprema nito lamang Disyembre 2021. Kung tutuusin, dahil sa masigasig na press, may ideya na ang Kongreso na problemado ang ATA noong panukalang batas pa lamang ito. Palibhasa, namumuo ang awtoritaryanismo na populistang punong ehekutibo sa Malakanyang, pinilit pa rin ang ATA at nilagdaan niya rin noong nakaraang taon. Ito’y isa sa polisiyang maituturing na hindi napag-aralan nang husto at sa hindi inaasahang pagkakataon, ang delay sa pagpapatahimik sa terorismo sa loob ng dalawampung taon ay lalo pang na-delay. Madaling sabihing may police power naman ang Estado, ngunit hindi sapat ang mga pinanghahawakan mandato ng ibang ibang ahensya ng pamahalaan sapagkat, si Pangulong Duterte na mismo ang nagsabi noong 2016, nawalan na ng mataas na pagtitiwala ang mga tao sa pamahalaan. Mistulan nga siyang bayani kung gayon sa kanyang pananalita, ngunit hindi rin ito nakita ng taumbayan sa gawa. Ang pinaigting na kampanya ng pamahalaan kontra-droga ay di naglaon idineklara rin ng Pangulong hindi matagumpay noong 2020 at nauulit pa ang mga kahanay na pronouncement ng bigong “tagapagligtas” ng mga botante ng 2016 sa taong ito. Mabuti na lamang daw na sa mga pangako ng dating matagal na alkalde ng Davao City, “marami namang natupad.”

Matapos ang makasaysayang rebolusyon sa EDSA noong 1986, naipagmalaki na naman ng bansa sa buong mundo ang mapayapang paraan ng pakikipaglaban sa inaakala nitong tama nang panigan ito ng UNCLOS sa pag-angkin sa West Philippine Sea at talunin sa desisyon ang malaki at makapangyarihang bansa – Tsina pa rin bago maluklok na Pangulo si Mayor Duterte. Naging mahinang mahina naman ang brand of leadership ng chief architect ng foreign policy at hindi lang iyon, talagang mas gusto daw niyang makipag transaksyon sa Tsina at unti-unting ayawan, huwag papormahin, at huwag pansinin ang Amerika sa kabila ng napakagandang relasyon nito sa Pilipinas sa mahabang panahon. Ang Pilipinas ngayon, sa katauhan ng Pangulo, ay merong hindi magandang pagtingin sa pandaigdigang komunidad dahil mismong prosecutor sa International Criminal Court ang nakakita ng dahilan para siyasatin ang madugong giyera sa droga ng pamahalaan na yumurak sa karapatang pantao ng libo-libong mamamayan nito. Nagma Manifesto ang extrajudicial killings (EJK) sa problema ng hindi sapat na police power. Pinalawig man ng mga batas, nagpaka barumbado man ang Commander in Chief, bigo ang Pilipinas sa Declaration of Principles and State Policies nitong magbigay ng full employment, papataas na pamantayan ng pamumuhay, at pinahusay na kalidad ng buhay; sa maikling salitang konstitusyunal, bigo itong “palayain sa kahirapan ang mga mamamayan.”

Sumisimbolo naman ng pag-asa ang Nobel Peace Prize ni Maria Ressa, kauna-unahan sa Pilipinas, pag-asang darami pa ang world-class na talento at mapagkakatiwalaang tagapagtaguyod ng katotohanan basta’t mabigyan lamang ng pagkakataon sa kanyang mga karapatan at kalayaan. Mahirap pag-usapan ang kahirapan, kapayapaan, at paglaban sa karahasan, kung hindi malaya (na may responsibilidad at akawntabilidad) ang mga mamamayan lalo na ang mga mamamahayag. Alam ito ng mga lider ng iba’t ibang paniniwala. Nais ng Diyos na makilala Siya bilang Diyos ng Katarungan at Pagbabalik-loob. Gumagamit Siya ng mga indibidwal at institusyon upang ang mga walang boses ay mapakinggan, ang mga naaapi ay madepensahan, ang mga naghihikahos ay maiahon, ang mga apektado ng kaguluhan ay maging mapayapa sa Kanya at para sa Kanya. Bagamat pinag-uutos Niya ang pagsunod at kooperasyon sa pamamalakad ng mga hari, pangulo, prime minister at sinumpaang governing authority, nais din Niyang Siya ang sundin sa oras na may mali sa kanilang pamamalakad. Ilang rehimen na ng mga pangulo at ilang indibidwal na ang sumobra sa paghahari-harian na mismong Diyos ang nagbigay-daan sa kanilang pagguho at huwag nang maalipusta ang kanilang mga nasasakupan.

Kaya napakahalaga ng karunungan at ang pagpapalalim nito. Sagot ito sa isa na namang makabagong paraang mapanakop o hegemonic Western knowledge. Sila lamang daw sa dakong kanluran ang magagaling at matatalino batay sa bilang ng mga scholarly journals at sa bilang ng mga manunulat. Taliwas ito sa tunay na diwa ng pagkakapantay-pantay. Hindi na nga mapaiksi ang puwang ng mayayaman sa mahihirap, ganoon pa rin ba sa mahihirap na mga bansa at sa maliliit na salapi kontra dolyar ng Amerika at euro sa mga bansa sa Europa? Kung idaragdag diyan ang “karunungan” nila, iyo’y maituturing na mapanakop. Hindi nabibigyan ng pagkakataon ang ibang lengguwahe, nababalewala ang kultura at karunungan ng mga katutubo o indigenous people, natatabunan ang natural na ganda ng kanilang lahi at ang mga kinakatawan ng kanilang lahi. Katuwang ang Philippine International Studies Organization ng mga mulat na indibidwal at institusyon sa pagpapamulat sa mundo na ang lahat ng sulok, hindi lang West, ay may angking dunong ngunit kapos sa pagkakataon. Ang pagwawakas ng dominasyon sa mapanakop na karunungan ng mga nasa kanluran ay isa sa pinakabagong adbokasiyang akademik. Bagamat malayo pa, mismong ang akademik ay may mga pag aalinlangan na kayang gawin ito sa malalaking bansa at malalaking pangalan ng mga pamantasan at iskolar, may pag-asa pang maisulong ang pagwawakas nito nang sa gayon, kikinang ang local knowledge, maririnig, at madarama ng mga tao sa aplikasyon ng dunong nila mismo.

Juan Luna, Spolarium. Wikimedia Commons, the free media repository.


Jump to navigationJump to search
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.