Anim na presidential candidates, maglulunsad ng proclamation rally bukas

0
399

Sisimulan bukas, Pebrero 8 ang 90 araw na kampanyahan para sa mga pambansang kandidato para sa halalan sa Mayo 9. Naghahanda na ang ilang aspirante sa pagkapangulo kung paano nila ipakita sa mga botante ang mga puntos kung bakit sila ang dapat iupo bilang pangulo ng bansa.

Nakagayak na ang anim na nangungunang presidential bet na maglunsad ng kanilang proclamation rally bukas na may pagtitiyak na susunod sila sa mga Covid protocol na itinakda ng Commission on Elections (Comelec) na itataguyod ng Philippine Nationa Police (PNP). 

Narito ang mga detalye kung paano sisimulan ng ilang kandidato ang kanilang kampanya sa pagkapangulo:

Leody De Guzman

Gaganapin ni De Guzman ang kanyang proclamation rally sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City sa ganap na 6:00 ng umaga. Makakasama niya ang kanyang vice presidential running mate, si Walden Bello, at ang kanilang senatorial slate na binubuo nina Luke Espiritu, Roy Cabonegro, at David D’Angelo.

Makakasama rin niya ang partylist group na Partido Lakas ng Masa kasama ang iba pang local candidates mula sa kanilang team.

Panfilo Lacson

Si Lacson at ang kanyang vice presidential running mate na si Senate President Vicente Sotto III, ay magsisimula ng kanilang kampanya sa Grandstand sa Imus, Cavite sa ganap na 5:00 ng hapon. Kasama nila dito ang kanilang mga kandidato sa pagka senador kabilang sina Monsour Del Rosario, Minguita Padilla, at Guillermo Eleazar.

Bongbong Marcos

Idaraos naman ni Marcos at ng kanyang vice presidential running mate na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang kanilang proclamation rally sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan ganap na 4:00 ng hapon.

Sinabi ni Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos, na ito ay isang “ticketed” event upang maayos na mabantayan ang social distancing sa pinapayagang kapasidad.

Isko Moreno

Magsasagawa ng kick-off rally si Moreno at ang kanyang vice presidential running mate na si Dr. Willie Ong sa Kartilya ng Katipunan malapit sa Manila City Hall sa ganap na 4:30 ng hapon. Makakasama nila ang kanilang mga senatorial candidate na sina Samira Gutoc, Carl Balita, at Jopet Sison.

Manny Pacquiao

Idaraos ni Pacquiao ang kanyang proclamation rally sa Oval Stadium sa General Santos City sa ganap na 3:00 ng hapon, ayon sa kanyang tanggapan. Inaasahang makakasama niya ang kanyang vice presidential running mate na si Lito Atienza.

Leni Robredo

Sa halip na tradisyunal na rally, iikot si Robredo sa Camarines Sur upang ihudyat ang simula ng kanyang kampanya. Kasama niya dito ang kanyang vice presidential candidate, Sen. Francis Pangilinan at mga senatorial candidates.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.