Ano ang kaibahan ng estate tax ng mga Marcos sa karaniwang pamilyang Pinoy?

0
611

Sa simpleng pagpapaliwanag, ang estate o inheritance tax ay ang buwis na dapat bayaran ng mga nagmana ng anumang uri ng kabuhayan o pag aari na iniwan ng isang yumao. Mayaman man o mahirap ay isinasaad ng batas na nararapat bayaran ito. Bago mailipat sa pangalan ng nagma ay kailangang bayaran muna ito. 

Sa naging mga  karanasan ko sa paglalakad at pagbabayad ng estate tax sa Bureau of Internal Revenue (BIR)  ay kabisado ko kung aano ano ang mga papeles na dapat isumiteng bago pa man makuwenta ng ‘BIR Examiner of the day’ ang halaga ng buwis na kailangang bayaran ng heredero o heredera.

Kabilang sa mga dokumentong kailangan ang will and testament ng nagpamana ito man  ay ginawa sa loob o labas hukuman o sa harap ng isang notaryo publiko. Kailangan din ang death certificate ng yumaong nagpamana; birth certificate ng mga magmamana at minsan ay ang mismong family tree upang makita ang tunay na relasyon sa yumao; certified true copy ng titulo at oha ng mga kabuhayang minamana: sertipikasyon mula sa Assessor Office, kung saan nakasaad ang lahat na pag aaring naiwanan ng yumao. Minsan, pati ang certified true copy kung paano at kailan napalipat sa yumao ang kabuhayang subject sa estate tax; at ilan pang hinihingi ng BIR upang mabigyan ng Certificate for Registration  ang mga tagapagmana at magamit sa proseso ng paglilipat ng mga naka rehistrong kabuhayan ng nagpamana.

Kung lampas na sa itinakdang panahon na dapat nabayaran ang naulit na buwis ay pinapatungan ito ng interest/penalty matapos hindi isama sa kwenta ang valor o halagang ‘exemption’ sa mga pag aaring minana. 

Hindi naman itinatanggi ng pamilya at kampo ni dating Senador Bongbong Marcos na may dapat silang bayarang estate tax sa BIR lalo na at naglabas na ngayon ng pagpapatunay ang Presidential Commission on Good Government (PCGG) na ‘final and executory’ na dapat bayaran ang estate tax na halos tatlong dekada nang sinisingil sa kanila. Daang Bilyong Piso ang dapat bayaran. Marahil ay dahil sa katagalan ng hindi pagbabayad ng mga Marcos ay nagpatong-patong ang penalty nito.

Kung ang dahilan ng pagkabalam ng paglilipat sa mga kabuhayang naiwan ng yumaong Ferdinand E. Marcos ay ang hindi pagbabayad ng Estate Tax ay maaaring ito rin ang naging dahilan upang hindi agad natanggap ang dapat bayaran sa mga naging biktima ng Martial Law, nakabinbing mga recipients sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Law at iba pang paggagamitan ng inaasahang halagang matatanggap mula sa Inheritance Tax ng mga Marcoses?

Sa kasalukuyang ay may amnesty ang pagbabayad ng estate tax. Kung ‘di namamali’y sakop pa rin ang petsa ng kamatayan ng dating pangulong Marcos? Sa ilalim ng amnestiya ay nababawasan ng malaki ang dapat bayaran sapagkat pinapatawad na ang mga interest at penalty na ipinatong sa orihinal na kwenta. 

Napakadaming ordinaryong Pilipino ang sinamantala ang magandang pagkakataong  ito upang mabayaran ang delayed nilang pagbabayad ng estate tax. Bakit hindi samantalahin din nina Bongbong, Imelda, Imee at Irene bilang mga tagapagmana ni Ferdinand Sr. ang magandang pagkakataong ito? Kung nagagawa ng ordinaryong mamamayan ay bakit nagpatumpik tumpik ang mga Marcoses? May kaibahan ba ang pamilya nila sa mga ordinaryong pamilyang Pinoy?

Author profile
sandy-belarmino
Sandy Belarmino

Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV.  Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.