Tuesday, November 5, 2024


Your Daily News Update About CALABARZON and Beyond.
ISSN 2799-1911

HomePH NewsAño: Kikilos ang Pilipinas at aalisin ng bakod ng China sa Scarborough...

Año: Kikilos ang Pilipinas at aalisin ng bakod ng China sa Scarborough Shoal

-

Tiniyak ni National Security Adviser Eduardo Año na tutugon ang gobyerno ng Pilipinas matapos na ilagay ng China ang isang ‘bakod’ sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc upang ipagbawal ang pangingisda ng mga Pinoy.

“Kami ay gagawa ng mga naaangkop na hakbang upang alisin ang mga hadlang at protektahan ang karapatan ng ating mga mangingisda sa lugar,” ayon kay Año sa isang pahayag noong Lunes.

Ayon sa opisyal, nilabag ng China ang tradisyunal na karapatan sa pangingisda ng mga Pilipinong mangingisda sa lugar, batay na rin sa 2016 Arbitral ruling, dahil sa paglalagay nila ng floating barrier.

“Kami ay nagpapahayag ng pagkondena sa paglalagay ng mga floating barrier ng Chinese Coast Guard sa Bajo de Masinloc. Ang paglalagay ng bakod ng People’s Republic of China ay labag sa tradisyunal na karapatan sa pangingisda ng ating mga mangingisda na itinataguyod ng 2016 Arbitral ruling,” pahayag ni Año.

“Ang Arbitral ruling ay malinaw na nilalahad na ang aksyon ng PRC na ito ay lumalabag sa tradisyunal na karapatan sa pangingisda ng ating mga mangingisda sa shoal na iyon na nangingisda doon nang ilang siglo. Ang anumang Estado na nagpapahintulot ng ganitong gawain ay lumalabag sa UNCLOS at sa pandaigdigang batas, sa pangkalahatan,” dagdag pa niya.

Sinabi naman ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya na mayroong karapatan ang Pilipinas na alisin ang ‘bakod’ na inilagay ng China sa Scarborough Shoal.

“Malinaw na malinaw po ang 2016 arbitral ruling na nagsasabing may karapatan ang ating mga mangingisda na mangisda diyan mula pa noong mga siglo na ang nakalilipas,” paliwanag ng opisyal sa isang televised public briefing.

“Ipinagmamalaki natin ang mga batas ng pandaigdig, ang UNCLOS, at may karapatan ang ating bansa na tanggalin ang ‘bakod’ na inilagay ng Chinese Coast Guard,” patuloy niya.

Tinukoy ni Año na iniuulat nila ang mga pangyayari sa West Philippine Sea, lalo na sa Scarborough Shoal at Ayungin Shoal, kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Si Año ang nangunguna sa National Task Force West Philippine Sea (NTF WPS).

Sa mga nakaraang pahayag, sinabi ni Philippine Coast Guard spokesperson para sa WPS na Commodore Jay Tarriela na ang NTF-WPS at si PangulongMarcos ang magpapasya kung aalisin ang floating barrier na inilagay ng China.

“Kami ay nagbigay na ng ulat sa NTF-WPS kung saan ang Department of Justice, Department of Foreign Affairs, Department of National Defense ay lahat ng bahagi ng inter-agency task force na ito at pinamumunuan ito ng National Security Adviser,” ayon kay Tarriela sa GMA Integrated News’ Unang Balita.

“Kung ang NTF-WPS ay magrerekomenda sa Pangulo kung ano ang aming aksyon dito, ang PCG, BFAR [Bureau of Fisheries and Aquatic Resources], at maging ang Armed Forces of the Philippines ay susunod sa anumang desisyon ng ating national government,” dagdag pa niya.

Nitong Linggo, inanunsyo ng PCG na may isang floating barrier na may habang 300 metro na inilagay ang China sa Scarborough Shoal upang pigilang makapunta ang mga mangingisdang Pilipino sa lugar kung saan umano’y maraming isda.

Binigyang-diin ni Senate President Juan Miguel Zubiri na dapat putulin at alisin ng PCG ang floating barrier.

“I would like to request our PCG to immediately cut and remove all these illegal structures located at our West Philippine Sea not just to assert our sovereign rights to the area but to protect our fishermen from any possible accidents that may arise from these illegal structures,” ani Zubiri.

Nagpahayag naman si House Deputy Speaker Ralph Recto na mistulang isang ‘crime against humanity’ ang paglalagay ng China ng floating barrier sa Scarborough Shoal dahil sa pagbabawas nito sa mga mangingisda ng pagkakataon na maghanapbuhay.

“By cutting our access to a major protein source, China is playing a different kind of hunger games, making fish scarce for us, while satiating its people’s large appetite for seafood,” pahayag ni Recto sa isang pahayag.

“China must be called out for what it is really doing in the WPS: a food blockade that is a crime against humanity,” dagdag ng mambabatas.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

Venus L Peñaflor
Venus L Peñaflorhttps://tutubidigital.com
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

Related articles

Stay Connected

0FansLike
0FollowersFollow
3,912FollowersFollow
0SubscribersSubscribe
spot_img

Latest posts