Anyare? Mahina ang voter education; malakas ang propaganda

0
472

Maka-BBM. Maka-Duterte. Marami sila. Marami bang natututunan ang mga bata sa pakikinig sa kanila? Sana naman.

Third quarter ng 2022 hanggang third quarter ng 2023, dumoble ang ingay ng bangayan nila. Matapos noon hanggang first quarter ng 2024, tila triple na. Umaabot ang patutsadahan sa kani-kanilang taga-suporta sa social media.

Sinong hindi malilito sa mga nangyayari? Sabi ng nag chat sa akin na malakas ang pwesto sa palengke sa dami ng suki, maraming nalulungkot sa paglaho ng pagkakaisa ng Marcos-Duterte. Kung tutuusin, mas makaririnig ka ng salita sa Inggles sa kanila. “Ang lungkot ng nangyayari ngayong wala na silang unity,” sabi niya at naririnig din niya sa iba. “Aayos pa kaya ang Pilipinas?” ang tanong daw nila.

Mahabang usapin ang pag-aayos ng Pilipinas. Ituloy muna natin ang naunang naratibo. Kung dati’y magkasangga, ngayon, kumbaga sa bagong biling kotse, marami na agad bangga.

Hindi ito inasahan ng marami nating kababayan. Ang lakas naman kasi ng panawagan sa “unity” mula sa alyansang pulitikal na Uniteam na kinalauna’y naiproklamang wagi sa halalang pampanguluhan noong Mayo 2022.

Sadyang pagod na sa pag-iisip at pisikal na gawain ang mga mahihirap. Ngayong narating mo na ang bahagi ng kolum na ito, huwag mong kalimutang patuloy silang magkakandarapa sa salita, sa isip (nawa’y sa gawa rin) kung ano ang mabibili nila sa palengke sa kakarampot na kinikita. Hindi nila akalaing ang pagbili nila ng bigas sa halagang P20.00 ay matagal pa nila magagawa. Habang tumatagal, mas nagiging malinaw sa kanila na isa lamang iyon sa mga pangakong napapako ng magagaling na mangakong pulitiko. Heto ang mas masakit:

Patuloy lang mangangako ang mga pulitiko at patuloy lang aasa ang mga botante, kaya’t patuloy lang masasaktan ang damdamin nila pagharap sa hapag-kainan pagkauwi ng bahay. Ang puso’t isipan ng mga bata’y unti-unti nilang makikitang apektado na sa mga nangyayari.

Paano bibigyan ng pag-asa ang kabataan?

Naniniwala ang lahat sa sinabi ni Gat Jose Rizal na ang kabataan ang pag-asa ng bayan, pero hindi batid ng lahat na may kailangan munang gawin: Bigyan ng pag-asa ang mga bata. Magkaiba ang paasahin sila sa bigyan sila ng pag-asa. Lalong malayo ang awtomatikong pananaw na pag-asa na kaagad-agad ang mga bata maliban kung pinanday na sila ng karanasan, nakakalap na ng maraming kaalaman, gumagamit na ng karunungan, at sila na mismo ang kumikilos para sa kanilang disiplinadong buhay na may pinagkatandaan. Ang buhay na may pinagkatandaan ay nangangahulugang nakatutulong na sila sa lipunan, bukod kila nanay, tatay, at sariling pamilya. May kusang palo, ika nga.

Kung titingnan sa kabaligtaran, mauunawaan din nang lubos ang pag-asa: Kung walang kusang palo, pabigat lang sa bahay; kung walang pinagkatandaan, pakakainin mo pa rin habang hirap na hirap na rin ang paghakbang ng mga malulutong ng tuhod ng mga matatandang magulang; kung pinag-aaral pero ayaw mag-aral nang mabuti at bulakbol pa nga, dagdag pasakit lang ang mga pinalaking bata ng mga matatanda.

Disiplinahin ang sarili para madisiplina ang bata. Iyan ang pagbibigay. Pag-asa ang ibibigay. Meron ding matatandang humihingi ng paumanhin sa mga bata dahil sa kanilang pagkukulang na suportahan sila sa kanilang paglaki at pag-abot ng mga pangarap, pero sa pagpapatawaran ay lumilinaw ang hindi tuwirang pagkakaloob ng pag-asa sa mga bata. Sa pagsukat ng advantage at disadvantage, mas may pag-asang mababaligtad ang sitwasyon dahil walang pinipilang edad ang pagpapakumbaba lalo na kung sasaksi ang Diyos sa kapakumbabaan ng tao na Siya namang nag-uutos nito at magpapala sa susunod.

Pagtuturo sa mga botante

Mahirap saklawan ang “tamang katuruan” sa mga botante. Nasa hustong gulang na sila; ipinagpapalagay na responsable na sila sa kanilang pagdedesisyon sa pagpili ng mga pangalang iboboto at paghuhulog ng balota sa ballot box, hanggang masubaybayan ang pagbibilang ng boto ng makina na gamit ng mga guro o ng mga taong naatasang umupo bilang BEI o board of election inspectors. (Sinasabing EB o Electoral Board na ang tawag sa kanila ngayon, sa halip na BEI, na binubuo kalimitan ng mga guro mula sa DepEd at pasado sa criteria ng COMELEC.)

Pero kung susuriin – at talaga namang dagsa ang pag-aaral mula sa mga ekspertong pandaigdig at lokal – voter education ang kailangan ng makabagong pulitika at ekonomiya ng bansa. Sa ganito, matuturuan ang mga botante kung saan tumama ang dating botante at saan din nagkamali at harinawa’y hindi na maulit ang pagkakamali.

Sa pagtuturo sa mga botante, binibigyan ng mas mataas na pagpapahalaga ang pagkamamamayan dahil manalo o matalo ang manok mo sa eleksyon, nasa botante ang kapangyarihan na magpahiram ng kapangyarihan sa manok. Kung nais niyang gawing libangan ang manok, pwede. Kung nais niyang gawing hanap-buhay ang manok, pwede. Kung nais niyang pumusta sa manok, pwede. Kaya ang kapangyarihan ng manok, galing sa kanya. Kung umasa siya sa manok, walang nagpumilit sa kanyang doon umasa.

Sasagi sa isip natin doon sa nagpakahirap na mga kababaihan sa Pilipinas at sa buong mundo para lamang mapagkalooban din sila ng karapatang manghalal at mahalal, may utang na loob tayo sa kanila dahil sa pinaghirapan at pinaglabang karapatan at kalayaan. Taong bahay sila. Bandang huli, bahagi sila ng taumbayan. Sa nation-building, para na rin natin silang konsensya na pagkauwi ng bahay, haharap ang kalalakihan sa pagkwenta ng kita na pantustos sa binubuo at pinahahalagahang pamilya. Sa pambansang usapin, haharap ang kalalakihan sa pagkwenta ng kita na pantustos sa binubuo at pinahahalagahang Pilipinas.

Kaya, babalik tayo sa konsepto ng pagkamamamayan: With freedom comes great responsibility. Malaya nga tayong pumili ng mga lider, pero sa panahon ng pagpili isang linggo, isang buwan o isang taon bago ang eleksyon, tayo ang may dakilang pananagutan. Dahil diyan, tuloy tayo sa voter education:

Ang reporma sa pamamahala ay nakadepende sa reporma sa pagpili kung sino ang mamamahala. Kaya ba ni Trapo 1 kumilos ayon sa pangako? O hanggang pangako lang? Napatunayan na ba niya sa papel (track record) ang progresong ihahain sa kampanya o puhunan lang niya ang laway dahil hindi pa talaga matalino ang mga botante sa pagkilatis sa kanyang katauhan bilang kandidato sa posisyon ng pagsisilibi?

Si Trapo 2 ba ay may malalim na pakikipag-ugnayan kay Trapo 1 sa usapin ng paglilingkod sa bayan lalo na sa mga tunay na nangangailangan? O malalim ang pagsasabwatan nila para magkamal ng limpak limpak na salapi na sa bandang huli’y walang habas na gastusin ang gagawin gamit ang pinaghihirapang pera ng iba, hindi mula sa sarili nilang bulsa? Nakuha natin ang paalala sa pagkamamamayan: Tayo ang nagbabayad ng buwis, tayo ang nakikinabang dito at dagdag-tulong na natin iyon sa mga hikahos na aasa sa niluklok nating tagapaglingkod nila. Ang hiram na kapangyarihan ng mga hinalal nating pinuno ay paalala na meron tayong aasahang mangunguna sa disiplina, sa paglilingkod, sa pag-abot sa pangarap ng mga pamilya na makaahon sa kahirapan.

Paalala sa mga paalala

Sa mga luma at bagong botante, marapat lamang nating bigyan ng prayoridad ang magpaturo sa civil society organizations at sa mga exposed sa humanities and social sciences. Kung sa mga pulitiko, meron din silang maituturo pero nakahihigit ang layuning ipanalo ang kandidatura kaysa ipanalo ang pag-asa ng susunod na henerasyon. Paulit-ulit ito, pero tila hindi nagtatanda ang mga botante hanggang sa abutin ng kawalang pag-asa at, sa kasawiang palad, maipapasa pa ang mentalidad na ito sa mga bata.

Mulat ba sa realidad ang academe, ang civil society? Ang realidad: Daig ng propaganda ang pagtuturo. Ibig sabihin, huwag magpadaig. Kinukulang ba tayo ng matatapang na mamamahayag? Oo, dala na rin ng takot na mabiktima ng panlalait, pamemeke ng balita, at patong patong na kasinungalingan ng troll armies sa pangangalaga ng mga pulitiko.

Hindi inaasahan ang pag-asa. Ipinaglalaban ito. Tibok ng puso ng pagkamamamayan ang pinaiiral, hindi nagpapadala sa pagpalakpak ng mga kamay sa tuwing naririnig sa entablado ang mga katagang “pagkakaisa” at “pag-asa.”

Author profile
DC Alviar

Professor DC Alviar serves as a member of the steering committee of the Philippine International Studies Organization (PHISO). He was part of National University’s community extension project that imparted the five disciplines of a learning organization (Senge, 1990) to communities in a local government unit. He writes and edits local reports for Mega Scene. He graduated with a master’s degree in development communication from the University of the Philippines Open University in Los Baños. He recently defended a dissertation proposal for his doctorate degree in communication at the same graduate school under a Philippine government scholarship grant. He was editor-in-chief of his high school paper Ang Ugat and the Adamson News.